• 79-taong gulang na lolo, humihingi ng tulong para muling makapiling ang pamilya sa Cebu
  • 60 taon na si Ely Rojero Lomongo sa Maynila, dati siyang jeepney driver
  • Wala siyang balita patungkol sa kanyang pamilya

Marahil sa kakapusan ng pera o pagnanais ng mas maginhawang buhay, marami ang pinipiling iwan ang probinsya para makipagsapalaran sa siyudad. Nakalulungkot dahil hindi lahat ay nagtatagumpay. Ang iba pa nga ay walang perang natira para sana makabalik sa pamilya.

Image by Jenny Luceñara-Onia via Facebook

Ibinahagi ni Jenny Luceñara-Onia sa Facebook nitong Martes na habang naglalakad siya sa tapat ng COA sa Quezon City ay napansin niya ang isang matandang lalaki na hirap sa paglalakad at may katandaan na.

Nahihiya man dahil walang dalang pagkain, kinausap niya ang matanda at nalamang naghahanap ito ng LandBank ATM branch para i-withdraw ang ayuda mula sa DSWD.

Napag-alaman din na dating drayber ng dyip si Ely Rojero Lomongo, 79-taong gulang, pero huminto na dahil sa edad. Hirap na rin umano ito sa pagsasalita. Nakatira siya ngayon sa 07 Bato-Bato St. COA, Commonwealth, Quezon City.

Sinabi ng matanda na mayroon siyang mga kapamilya sa Cebu na matagal na niyang hindi nakikita dahil sa kawalan ng pera.

Pagkukuwento ni Mang Ely, 60 taon na siya sa Maynila at walang balita sa kanyang pamilya.

Naisipan ng netizen na kunan ng litrato ang matanda na siyang ipo-post sa Facebook para makatulong.

Sabi ni Jenny, “Kita ko sa mga nangingilid na luha at pagsasalita ni tatay, ang bigat at hirap ng buhay. Ramdam ko ang pagod ni tatay, hindi sa paglalakad, kundi sa pagiging salat sa buhay.”

Sa pagtatapos ng kanilang usapan, nag-abot ng kaunting pera ang netizen. Pinilit niya itong ihatid sa kanila pero tumanggi ito, sa halip ay nagpasalamat at niyakap siya.

Nabanggit sa post na ang address ng pamilya ng matanda sa Cebu ay 1060-B Basak, San Nicolas Cebu City.

Image by Jenny Luceñara-Onia via Facebook

Ilan sa sinabi niyang miyembro ng pamilya ay sina Edith Lomongo, Luz Lomongo, Bong Lomongo at Belen Lomongo.

Kapag may nalalamang impormasyon patungkol sa pamilya ng lolo, maaaring magpadala ng mensahe kay Jenny sa pamamagitan ng Facebook.

Nawa’y muling makapiling ng matanda ang kanyang pamilya at puong pagmamahal siyang tanggapin ng mga ito.

Image by Jenny Luceñara-Onia via Facebook

Source :

Facebook