• Talento ng madlang pipol, muling bibida sa Bangon Talentadong Pinoy
  • Muling nagbabalik si Ryan Agoncillo bilang TV host ng programa
  • Nakatakda sa July 20 ang re-branding ng TV5 bilang One TV

Habang marami ang naghihintay sa napipintong re-branding ng TV5 na magiging One TV na ngayong Hulyo, naghahanda rin ang Kapatid Network sa muling pagbabalik ng Talentadong Pinoy.

Image by Bangon Talentadong Pinoy via Facebook

Ang Talentadong Pinoy ay isang programang pantelebisyon kung saan nagpapaligsahan sa pagpapakita ng kakaiba at mahuhusay na talento ang mga Pilipino. Maaaring manalo ng limpak-limpak na salapi ang mga kalahok.

Kabilang sa mga talentong hinahanap ng programa ang pagkanta, pagsayaw, pag-akting, pag-magic, pag-tumbling, pag-yoyo, pagluluto habang nagju-juggling at pagtula habang nakalambitin at iba pa.

Sa muling pagbabalik ng programa, tatawagin itong “Bangon Talentadong Pinoy.” Nagbabalik din si Ryan Agoncillo bilang host nito.

Sa Facebook page ng programa, nabanggit na kasalukuyan na ang audition sa pamamagitan ng pagpapadala ng bidyo sa kanilang social media account.

Nasabi rin na aabot sa P2.8-million ang total cash prize na inilaan at maaaring mapanalunan ng mga lalahok sa Bangon Talentadong Pinoy kahit na nasa bahay lamang.

Mababasa sa post ng palabas, “Pwede kayong manalo ng P2,000, pwedeng P5,000, pwedeng P50,000, pwedeng P250,000! At lahat yan, habang nandyan lang kayo sa inyong tahanan!”

Matatandaang dahil sa tagumpay ng Talentadong Pinoy ay umabot ito ng pitong season mula 2008 hanggang 2013.

Marami naman ang natuwa sa pagbabalik ng programa. Sabi ng isang netizen, “Ayyy, ito ang na-miss ko, Talentadong Pinoy. Sana pati Who Wants to be a Millionaire.”

Image by Bangon Talentadong Pinoy via Facebook

Pahayag naman ng isa, “Naku, si Ryan talaga ang nami-miss ko sa show na ‘yan.”

Samantala, naghahanda na rin ang TV network sa re-branding nito patungong One TV sa July 20, 2020 na matatandaang ilang beses nang naantala dahil sa COVID-19 pandemic.

Ano pa kaya ang mga bagong pakulo na inihahanda ng One TV sa mga Filipino viewers? Abangan.

Image by Get it on 5 via Twitter