• Ipinaalala ni Sen. Angara sa mga awtoridad na pinapayagang lumabas ng tahanan ang mga senior citizens at persons below 21 years old sa ilalim ng GCQ rules
  • Nanawagan din ang CHR sa DOTr na alisin ang pagbabawal na isakay sa MRT at LRT ang mga senior citizens
  • Sinabi ng CHR na tila na-misinterpret ng DOTr ang IATF rules

Ipinaalala ni Senator Sonny Angara sa mga awtoridad na sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang mga senior citizens at ang mga may edad 21 pababa ay pinapayagang lumabas ng kanilang mga tahanan para sa essential goods and services.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Sonny Angara

Aniya, malinaw naman ang isinasaad ng guidelines sa ilalim ng GCQ.

“The guidelines for areas under GCQ are very clear. Senior citizens and persons below 21 years of age, while required to continue staying inside their homes, are allowed to go out to buy essential goods like food and medicine and to obtain essential services,” sabi ni Sen. Angara.

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng napaulat na senior citizen na kukuha ng pensyon ng asawa upang makabili ng maintenance medicine ngunit hindi pinasakay sa MRT-3. Pinagsabihan pa umano ang matanda na bawal silang lumabas.

“Clearly getting their pensions and important government documents are considered essential. Common sense lang ang kailangan dito. Hirap na nga ang mga seniors natin na nakakulong lang sa mga tahanan nila ng halos tatlong buwan tapos sa bihirang panahon na kailangan nilang lumabas ay pahihirapan pa din sila,” sabi pa ng senador.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Sonny Angara

Kaugnay ng isyung tinalakay ni Sen. Angara, nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa Department of Transportation na payagang makasakay ng MRT at LRT ang mga senior citizens. Mas nakakasama pa umano ang ginagawang pagbabawal sa kanila.

Ayon kay Commissioner Karen Gomez-Dumpit ng Human Rights of Older Persons Affairs ng CHR, tila na-misinterpret ng DOTr ang mga patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management og Emerging Infectious Diseases.

“We call on the Department of Transportation to lift this ban as it has shown, particularly in this incident, that it does more harm than good. The ban is also a misinterpretation of the IATF Rules which does not prohibit older persons from going outside their homes if it is for essential services and goods or for work in the permitted industries,” pahayag ni Commissioner Gomez-Dumpit.

Imahe mula sa CHR

Sa ilalim ng IATF guidelines, ang mga senior citizens at persons below 21 years old sa GCQ areas ay dapat pa ring manatili sa loob ng tahanan, subalit dapat silang payagang lumabas kapag bibili o kukuha ng mga mahahalagang pangangailangan – produkto man o serbisyo – at kung papasok sa kanilang trabaho sa mga establisimyentong pinayagang mag-operate sa GCQ areas.