• Niluwagan na ng pamahalaan ang ipinatutupad na community quarantine sa bansa
  • Hindi na kailangan ang quarantine pass upang makalabas ng bahay
  • Nilinaw ng DILG na ang mga LGU ay maaari pa ring mag-require ng quarantine pass sa mga barangay na itinuturing na high-risk o may maraming COVID-19 cases

Simula ngayong ika-1 ng Hunyo ay ibinaba na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Visayas, Pangasinan, Zamboanga City, at Davao City.

Imahe mula sa Top Gear PH

Ang iba pang bahagi ng bansa ay isinailalim naman sa modified general community quarantine (MGCQ), ang pinakamababa at pinakamaluwag na uri ng community quarantine na ipinatutupad. Ang MGCQ ang tinatawag na transition phase mula sa GCQ patungong “new normal.”

Ipinahayag ni Secretary Eduardo Año na hindi na kakailanganin ng publiko ang quarantine pass kapag lumalabas ng kanilang tahanan ngunit nilinaw niya na maaari pa ring i-require ng mga local government units (LGUs) ang quarantine pass sa mga lugar sa kanila na itinuturing na high-risk areas.

Ang mga LGUs ay maaaring magsagawa ng selective lockdown sa mga barangay sa kanilang lugar na may mataas na bilang ng COVID-19 cases. Tatawagin ang mga naturang barangay bilang critical zone. Ang mga barangay sa palibot nito na walang COVID-19 case ay tatawaging buffer zones.

“The general rule is hindi na kailangan ng quarantine pass pero may authority pa rin ang LGU na mag-impose ng lockdown at mag-require ng quarantine pass sa mga barangay or subdivision na sa assessment nila ay high-risk pa rin,” paliwanag ng kalihim.

Dapat umanong ianunsyo ng Munisipyo sa pamamagitan ng kanilang official social media accounts o anumang paraan kung required pa rin sa kanilang lugar ang quarantine pass.

Screenshot mula sa PCOO video

Ang curfew hours ay patuloy  pa ring ipatutupad sa buong bansa.

Ayon kay Sec. Año, layunin ng pagluluwag ng quarantine protocols na palakasing muli ang ekonomiya ng bansa na lubahang naapektuhan sa mahigit dalawang buwan ng mahigpit na community quarantine na ipinatupad upang hindi kumalat ang COVID-19.

Binigyang-diin ng kalihim na bagama’t hindi na masyadong mahigpit ang mga restriksyon hindi ito nangangahulugan na ang paglabas ng tahanan ay gagamitin sa pamamasyal.

Aalamin pa rin ng mga awtoridad kung ang dahilan ng paglabas ay essential o pamamasyal.

Imahe mula sa PNA

Source :

Inquirer, ABS-CBN