• Pinabulaanan ni Manny Pacquiao ang ibinulgar ng boxing promoter na si Bob Arum
  • Sinabi ni Arum na tatakbo si Pacquiao sa pagka-Presidente sa 2022
  • Si Pacquiao umano ang mismong nagsabi sa kanya sa plano nitong pagkandidato sa susunod na eleksyon
  • Sinabi ni Pacquiao na boksing lang ang napag-usapan nila ni Bob Arum at hindi pulitika

Mariing itinanggi ni Senator Manny Pacquiao na nag-usap silang dalawa ng boxing promoter na si  Bob Arum tungkol sa pulitika, na kakandidato siya sa pagka-Pangulo sa susunod na eleksyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Ilang araw pa lang ang nakalilipas, sa isang livestreamed na pakikipag-usap niya sa presidente ng World Boxing Council na si Mauricio Sulaiman, ibinulgar ni Bob Arum na tatakbo sa pagka-Presidente ang Pambansang kamao.

Sinabi ni Arum kay Sulaiman na nabanggit sa kanya ni Pacquiao na tatakbo ito sa pagka-Presidente sa taong 2022. Gusto raw ni Pacquiao na naroroon siya sa inagurasyon nito bilang pangulo kapag nanalo sa eleksyon.

“I did a Zoom telephone call with him, ‘Bob, I’m gonna run in 2022 and, when I win, I want you there at my inauguration,’” sabi ni Arum kay Sulaiman.

Aminado naman si Pacquiao na nag-usap sila ni Bob Arum, pero itinanggi niya na napag-usapan ang pulitika. Tungkol sa boksing lang daw ang pinag-usapan nila – ang posibilidad na makaharap niya sa susunod na boxing match si Terence Crawford.

Sabi ni Pacquiao, hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ang pulitika.

Imahe mula sa SCMP

“Hindi panahon ng pulitika ngayon. Sa dami ng problema ng bansa, ang kailangan natin ay pagkakaisa at pagtutulungan para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan. Kailangan natin pagkakaisa. Let’s unite para matulungan ang mga kababayan natin. Ang daming walang trabaho ngayon lalo na ang ating mga OFWs. Kailangan po ng ating bansa ngayon ay hindi politika,” mariing sabi ng fighting senator.

Noong 2017, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto niyang si Pacquiao ang sumunod na Presidente ng bansa, subalit noong nakaraang taon ay iba na ang payo niya sa senador.

Imahe mula sa Christian Today

Pinayuhan niya si Pacquiao at maging ang iba pang mga politiko na pag-isipang mabuti ang balak na pagtakbo sa pagka-Presidente.

“Politicians should think about (pagkandidato sa presidential elections) carefully. Manny, I think Manny is entertaining, well it’s good…but getting tired is the only thing you get from this work,”  sabi ng Pangulo.