• Simula July ay maaaring isailalim na sa new normal ang ilang lugar sa bansa
  • Sa ilalim ng new normal ay aalisin na ang community quarantine subalit ipatutupad ang minimum health standard rules
  • Sa June 15 ay inaasahang ia-anunsyo ni Pangulong Duterte ang mga pagbabago sa classification ng mga umiiral na community quarantine sa bansa

Maaaring isailalim na sa “new normal” ang ilang lugar sa bansa simula sa buwan ng July, ibig sabihin ay aalisin na ang community quarantine subalit pananatilihin pa rin ang minimum health standards, ayon kay Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Imahe mula sa PNA

“Ang MGCQ (modified general community quarantine), kapag bababaan mo na, ito ‘yung tinatawag natin na bagong normal o new normal, pero sa tingin natin, sa kabuuan ng June wala pang lugar ang ready na pumunta sa bagong normal kasi kailangan ng masusing pag-aaral pa diyan dahil ‘yung paligid niya may mga cases pa rin,” paliwanag ni Sec. Año.

Aniya, sa kanyang palagay ay sa July pa maaaring magkaroon ng new normal sa ilang lugar. Hindi niya sinabi ang mga lugar na magkakaroon nito.

“So, ang tinitingnan natin, sa July pa talaga magkakaroon ng new normal na gagraduate sa MGCQ,” sabi pa ng kalihim.

Sa ilalim ng new normal ay mahigpit na ipatutupad ang minimum health standard rules habang wala pang natutuklasang panlunas o vaccine sa COVID-19, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.

“Ang new normal ay tumutukoy sa bagong mga ugali, mga sitwasyon at minimum public health standards na dapat makasanayan habang wala pang malawakang pagbabakuna na magpapahinto sa COVID-19,” aniya.

Imahe mula sa One News

Sa June 15 ay inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo ang bagong classification ng quarantine sa iba’t ibang panig ng bansa. Posibleng ang ilang lugar na nasa ilalim ng GCQ ay ilalagay sa mas maluwag MGCQ, ang transition phase patungo sa new normal.

Ang Metro Manila, na kasalukuyang nasa GCQ, ay posibleng  manatili pa rin sa GCQ dahil sa patuloy na pagkakaroon dito ng mga bagong kaso ng COVID-19 infection.