• Gagawing cashless at contactless ang pagbabayad sa lahat ng SMC-operated tollroads
  • Kabilang sa tollroads ng SMC ang Skyway, NAIAX, SLEX, STAR Tollways at TPLEX
  • Maaaring magpakabit ng RFID sa mga Autosweep RFID Stations araw-araw mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.
  • Walang dokumentong kailangan sa pagpapakabit ng RFID sticker

Inanunsyo ni San Miguel Corporation president and chief operating officer na si Ramon S. Ang na magiging cashless at contactless na ang pagbabayad sa lahat ng kanilang tollroads upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa SMC

Libreng installation ng RFID stickers ang alok ng SMC Tollways hindi lang sa mga pampublikong sasakyan kundi sa lahat ng uri ng sasakyan na gumagamit ng Skyway, Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX),  South Luzon Expressway (SLEX), Southern Tagalog Arterial Road (STAR Tollways) at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).

Ang hakbang ng SMC Tollways ay bunsod ng rekomendasyon ng Toll Regulatory Borad sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing 100% RFID ang kanilang mga tollways.

Ang rekomendasyon ng LTFRB ay para lang sa mga jeepney, bus at utility vans, subalit minabuti ng SMC Tollways na isama na ang lahat ng uri ng mga sasakyang dumaraan sa kanilang expressways.

Ang elevated section ng Skyway, NAIAX at SLEX ang uunahin na maging 100% RFID tollway na magiging epektibo simula sa October 15 ngayong taon.

Isusunod naman ang at-grade section ng tatlong nabanggit na expressways, ang STAR Tollways at TPLEX simula sa January 2021.

Imahe mula sa Autoindustriya

“We are committed to protecting motorists and our tollway operators by limiting personal contact and going 100% RFID on tollroads that we operate,” pahayag ni Ang.

Naglabas ang SMC Tollways ng listahan ng mga Autosweep RFID Stations kung saan maaaring magpakabit ng RFID stickers. Bukas ang mga ito mula 8 a.m. hanggang 5 p.m araw-araw. Ipinaalala ng kumpanya ang No Mask, No Entry policy sa kanilang RFID stations.

Walang dokumentong kailangan sa pagpapakabit ng RFID stickers.

Imahe mula sa SMC