• DILG nagbabala sa mga shopping malls na hindi nagpapatupad ng social distancing
  • Ipasasara ang malls na mapatutunayang hindi sumusunod sa patakaran ng social distancing at pagsusuot ng face masks
  • Gagamiting ebidensiya ang mga larawan at video ng mga mallgoers na lumalabag sa social distancing sa loob ng malls

Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga shopping malls na pinayagang makapag-operate sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) kung hindi nila ipatutupad ang social distancing sa loob ng kanilang establisimyento.

Imahe mula sa tweet ni Mark Samson

Inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang lahat ng local government units at kapulisan na magsagawa ng pag-iinspeksyon sa mga shopping malls at kausapin ang mall management upang alamin kung nasusunod ng mga ito ang minimum health standards at quarantine protocols na ipinatutupad ng Department of Health.

Babala ng kalihim, kung hindi sila magko-comply, maaring ipasara ng Philippine National Police (PNP) ang mga establisimyento at sampahan ng kaso ang mga mall owners sa paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act.

Dagdag pa ni Sec. Año, mananatili ang presensya ng PNP sa mga checkpoints sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng community quarantine. Nagbabala siya sa publiko na mumultahan, titiketan o ikukulong kung hindi sila susunod sa mga patakaran.

Kaugnay ng pagpapatupad ng social distancing sa mga malls, sinabi ni Joint Task Force Covid Shield Commander P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar na naibigay na niya sa mga police commanders ang listahan ng mga shopping malls at iba pang business establishments kung saan nalabag ang social distancing rule.

Imahe mula sa JTF COVID Shield

“These commanders were instructed to warn the management of these malls and make sure that the warning be personally relayed to the mall management and other similar establishments,” pahayag niya.

Sabi pa ni Eleazar, gagamitin nilang ebidensya laban sa mga mall owners ang mga litrato at video sa social media kung saan makikitang hindi sinusunod ng mallgoers ang social distancing.

Aniya, dapat regular na rumoronda sa mall ang mga security guards upang paalalahanan ang mga tao tungkol sa social distancing at pagsusuot ng face masks.

Imahe mula sa Facebook page ng Life Moto