• Hindi maaaring magpataw ng parusa sa mga ECQ violators kung ang kaparusahan ay hindi naman nakasaad sa ordinansa o batas hinggil sa paglabag sa community quarantine
  • Ang tungkulin ng law enforcer ay manghuli at magsampa ng reklamo hinggil sa nilabag na batas o ordinansa
  • Sinabi ng CHR na dapat hayaan ang korte na magdesisyon kung ano ang nararapat na kaparusahan batay sa isinasaad ng nilabag na ordinansa o batas

Dapat hulihin ng mga law enforcers ang mga lumalabag sa mga patakaran ng community quarantine, subalit nagpaalala ang Commission on Human Rights (CHR-7) sa Central Visayas na labas sa kapangyarihan ng mga awtoridad na magpataw ng mga parusang tulad ng pagdarasal, pagsasayaw at pag-exercise.

Imahe mula sa Rant Facebook page/Public Domain image

Ayon  sa CHR-7, hindi maaaring basta na lang magpapataw ng parusa sa mga ECQ violators lalo na kung ang nasabing kaparusahan ay hindi naman nakasaad sa ordinansa o batas hinggil sa paglabag sa community quarantine.

“Kung pagrorosaryohin ka, is it included in the ordinance (bilang parusa)? Kung nag-impose ka ng sarili mong penalty aside from what is provided in the ordinance, that is already a violation,” pahayag ni CHR-7 chief investigator Leo Villarino.

Paliwanag ni Villarino, ang mga law enforcers ay naririyan upang magsagawa ng panghuhuli, paghahain ng reklamo at hayaan ang korte na magdesisyon kung ano ang nararapat na kaparusahan batay sa isinasaad ng nilabag na ordinansa o batas.

“They are just there to make the arrest, file the complaint and let the court decide on what penalty based on what is provided on the ordinance or law violated. But they cannot put what they think is the penalty,” aniya.

Si Presidential Spokesman Harry Roque ay may nauna na ring pahayag hinggil sa pagrespeto sa karapatan ng mga ECQ violators.

Imahe mula sa PNA

“Bagama’t walang nakapataw na talagang parusa doon sa mga lalabag sa ECQ, natural ito’y kinakailangang sang-ayon sa saligang batas at kinakailangan ito’y proportional doon sa objectives ng ECQ na pabagalin nga ang pagkalat ng COVID-19,” ani Roque .

Sinang-ayunan ito ni Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government na nagsabing hindi dapat humantong sa pagmamaltrato at paglabag sa karapatang pantao ng violators ang parusa.

Imahe mula sa Barangay Gatid