• Nagsampa ng deportation case ang BI laban sa Spanish national na nakipagtalo sa PNP officer sa Makati
  • Napag-alamang overstaying si Javier Parra dahil hindi nito na-extend ang kanyang visa
  • Sinabi ng BI na itinuturing din na undesirable alien si Parra dahil sa pagbalewala sa mga batas ng bansa

Nagsampa ng deportation case ang Bureau of Immigration (BI) laban sa Spanish national na nakipagtalo sa isang law enforcer noong nakaraang buwan sa loob ng Dasmariñas Village sa Makati City dahil sa diumano ay quarantine rule violation.

Imahe mula sa JTF Covid Shield

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na matapos ang isinagawa nilang imbestigasyon ay napag-alamang overstaying na sa bansa ang banyagang si Javier Parra dahil bigo itong magpa-extend ng kanyang visa.

Higit pa roon, itinuturing si Parra na isang undersirable alien dahil sa tahasang pagbabalewala sa batas ng bansa at kawalan ng respeto sa awtoridad.

“Upon investigation by our intelligence division, it was confirmed that he has failed to extend and has already overstayed his visa,” pahayag ni Commissioner Morente noong Biyernes, ika-22 ng Mayo.

“Foreign nationals who are here in the country are expected to follow Philippine laws, especially in these special times wherein public health and safety is at risk. There is no exemption, whether you are living in a posh village, or in a slum area, you must obey the law,” dagdag pa ng BI commissioner.

Ang kasong isinampa ng BI ay nag-ugat sa insidente noong Abril kung saan sinita ng pulis ang maid ni Parra na nagdidilig ng halaman sa labas ng bahay nang walang suot na face mask. Ipinag-uutos ng isang ordinansa ng Makati ang pagsusuot ng face masks sa labas ng bahay upang hindi kumalat ang COVID-19.

Imahe mula sa JTF Covid Shield

Ipinaalala umano ng PNP officer na may P1,000 na multa ang paglabag sa ordinansa. Lumabas ng bahay si Parra at kinompronta ang pulis.

Kumalat sa social media ang komprontasyon ng dalawa. Matapos ang insidente ay nagsampa ng kaso ang dalawang partido laban sa isa’t isa.

Ayon kay Commissioner Morente, inatasan si Parra na mag-submit ng counter-affidavit upang sagutin ang mga paratang sa kanya ngunit tumanggi umano ang banyaga na tanggapin ang ipinadalang notice at binalewa ang mga requirements na dapat nitong isumite noon pang Huwebes, ika-21 ng Mayo.

Imahe mula sa BI

“Our offices remained open to receive his response, but he failed to submit any,” sabi ni Morente.

Nilinaw ni Morente na ang deportation case ay hiwalay pa sa criminal cases na inihain laban kay Parra.