• Iminungkahi ng JTF COVID Shield na gawing requirement ang quarantine pass sa mga customer ng malls
  • Dapat rin umanong tingnan ng mall security ang parking area kung nasusunod ang physical distancing sa loob ng mga sasakyan
  • Ibinilin ng Task Force commander na si Lt. Gen. Eleazar na sa pagpapatupad ng batas ay dapat hindi nalalabag ang karapatan ng mga customers

Pinulong ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang security managers ng mga shopping mall upang mapag-usapan ang mga hakbang na maaaring ipatupad upang maiwasan na ang mga nasabing establisimyento ang pagmulan ng 2nd wave ng COVID-19 infections.

Imahe mula sa tweet ni Mark Samson

Sinabi ni Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang commander ng Joint Task Force COVID Shield, na ang pulong ay ginawa kasunod ng nangyari sa unang araw ng modified enhanced community quarantine kung saan dumagsa sa malls ang maraming tao.

Hindi na umano nasunod ang ipinaiiral na physical distancing.

Layunin ng nasabing meeting na ipaalala sa mall security managers ang anti-COVID protocols na dapat ipinatutupad bilang kondisyon sa partial reopening ng shopping malls sa ilalim ng modified ECQ at general community quarantine.

Tinalakay nila ang mahigpit na pagpapatupad ng security measures para maiwasan ang muling pagdami ng kaso ng COVID-19.

Hinikayat ni Eleazar ang mga malls na gawing requirement ang quarantine pass sa mga mallgoers upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.

Imahe mula sa JTF COVID Shield

“Ngayon nagpropose tayo, dahil nga dito sa Metro Manila, well almost all of them ay mayroong quarantine pass at dahil required naman talaga. Sinasabi ng IATF guidelines na only one member per household would avail the goods and services provided by the permitted establishments. So ire-require natin ngayon itong mga malls na dapat may quarantine pass sila (customers) pag pupunta doon,” ani Eleazar.

Iminungkahi rin ni Eleazar na i-monitor ng mga security personnel ang mall parking area upang malaman kung nasusunod ang physical distancing sa loob ng mga sasakyan.

Nilinaw ng opisyal na pawang suhestyon lang ang kanilang ginawa. Aniya, sundin man nila o hindi ang kanilang suhestyon basta masunod ang physical distancing ay okay lang.

Imahe mula sa JTF COVID Shield

“These are some of the suggestions or recommendations na p’wede nilang (malls) gamitin sundin man nila o hindi as long as ma-observe ang physical distancing at walang bina-violate na karapatan ng customer at kahit kanino, okay sa amin ‘yon,” aniya.

Mahigpit na ibinilin ni Eleazar na sa pagpapatupad ng batas ay hindi dapat nalalabag ang karapatan ng mga customers.

Source :

PNA, Inquirer