• Babala ng Palasyo, ECQ posibleng ibalik kung muling tataas ang bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila
  • Ang warning ay kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa shopping malls
  • Karamihan sa mga nagtungo sa malls ay hindi sumunod sa social distancing

Nagbabala ang Malacañang sa posibilidad na muling ipatupad ang mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa mga shopping malls sa unang araw ng mas maluwag na modified ECQ.

Imahe mula sa tweet ni Mark Samson

Batay sa mga larawang kumalat sa social media, marami sa mga taong nagtungo sa mga shopping malls ang hindi sumunod sa social distancing rule.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagama’t nauunawaan naman ang pagkasabik ng mga tao na lumabas pagkatapos ng dalawang buwan na ECQ, ang posibleng maging resulta ng pagbabalewala sa safety measures ay ang muling pagtaaas ng bilang ng COVID-19 cases at ang pagbabalik ng istriktong ECQ.

“Kung tayo po ay lalabas nang napakarami at hindi mag-o-observe ng social distanding, unang-una babalik po tayo sa ECQ. Sabi ko naman po, hindi naman po nakataga sa bato ‘yan na tayo ay nasa modified ECQ na,” pahayag ni Roque sa press  briefing sa Palasyo.

“Pero ‘pag dumami pa rin at hindi natin kakayaning magbigay ng critical care doon sa mga magkakasakit, lalo po tayong balik sa kulungan. ECQ uli,” dagdag pa ni Roque.

Imahe mula sa PCOO

Ang pagdagsa ng mga tao sa shopping malls ay kaugnay ng pagdedeklara ng MECQ sa Metro Manila kung saan pinayagan na ang partial operations ng maraming negosyo kabilang ang shopping malls.

Bagama’t suspendido pa rin ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan, napakaraming pribadong sasakyan, kabilang na ang mga motorsiklo, ang nagpasikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan sa unang araw ng MECQ. Karamihan sa kanila ay sa mga mall nagtungo.

Imahe mula sa Reportr World FB page

Source :

Inquirer, Journal