• IRR ng Doble Plaka Law para sa mga motorsiklo inilabas na ng LTO
  • Noong May 11, 2020 pinirmahan ni LTO chief Edgar Galvante ang IRR
  • Malaki ang multang naghihintay sa mga lalabag sa Doble Plaka Law

Inilabas na ng Land Transportation Office (LTO) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act. Mas kilala ito sa tawag na Doble Plaka Law.

Imahe mula sa PNA

May kaunting pagbabago ang IRR mula sa orihinal na batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong March 28, 2019.

Matatandaan na isang buwan matapos pirmahan ng Pangulo ang RA 11235 ay ipinagpaliban niya ang implementasyon ng batas at hiniling sa Kongreso na muling pag-isipan ang probisyon ng batas hinggil sa laki at materyales na gagamitin sa plaka ng mga motorsiklo na ilalagay sa harapan. Pinababawasan rin niya ang penalty sa ilang violations.

Ang IRR ay pinirmahan ni LTO chief Edgar Galvante noong May 11, 2020. Sa ilalim nito, kinakailangan na magkabit ang mga motorcycle owners ng mas malaki, readable at color-coded na plaka.

Sa halip na plaka ay sticker ang ikakabit sa harapan ng motorsiklo. Ang sukat nito ay 135mm x 85mm. Ang sukat naman ng plaka sa likod ay 235mm x 135mm. Mas malaki ito kumpara sa motorcycle plates na kasalukuyang ginagamit ngayon sa bansa.

Screenshot mula sa Olrac Motovlog video

Tungkol sa hiling ng Pangulo na bawasan ang multa sa mga violation, tila hindi ito nasunod dahil sa ilalim ng Section 12 ng IRR ay pagmumultahin ang motorcycle owners ng mula P20,000 hanggang P50,000 kapag hindi nito ni-report na ninakaw o nawala ang plate number sa loob ng 24 oras.

Kailangan itong i-report sa LTO at Philippine National Police Operations Center. Ang affidavit ay kailangang isumite sa loob ng 72 hours.

Sa Section 13 ng IRR, ang buyer ng motorsiklo na may buradong plate number ay may parusang prision mayor (6 years to 12 years na pagkakakulong) at multang P50,000 hanggang P100,000. Ganoon din ang parusa sa sinumang magbubura ng plate number.

Sa Section 14, ang sinumang gagamit ng nakaw na plate number ay maaaring parusahan ng prision mayor o multang P50,000 hanggang P100,000 o pareho, depende sa desisyon  ng korte.

Imahe mula sa Philippine News

Maaaring ma-impound ang motorsiklo kapag may paglabag o kahit may suspisyon na ginamit iyon sa paggawa ng krimen.

Mananagot naman ang law enforcer kapag hindi niya ini-report sa loob ng 24 oras ang na-impound na motorsiklo. Prision correctional ang parusa dito na posibleng may kasama pang administrative case.

At kapag napinsala ang motorsiklo habang nasa kustodiya ng law enforcer ay dapat niyang bayaran ang buong halaga ng motorcycle unit.

Sa ilalim ng Section 15 ay ipinagbabawal ang pagbebenta at importasyon ng mga motorsiklong walang espasyo para sa front plate. Required ang manufacturers at distributors na magbigay ng bracket kung saan ikakabit ang plaka.

Ang mga motorsiklong walang probisyon ng espasyo para sa front plate ay hindi papayagang mai-rehistro sa LTO.

Imahe mula sa MotoPinas