• Pera at hindi dasal ang makalulutas sa problemang kinahaharap ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 crisis
  • Ito ang sagot ni PAGCOR chief Andrea Domingo sa mga kritiko sa desisyong payagan ang partial operation ng mga POGO
  • Inaasahan na ang mga POGO ay makapag-aambag ng humigit-kumulang P650 million kada buwan sa kaban ng bayan na magagamit sa pagtugon sa health crisis

Ipinagtanggol ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and CEO na si Andrea Domingo ang desisyong payagan ang partial operation ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa upang makakalap ng pondo para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Imahe mula sa PNA

“Pera lang talaga ang makakalutas ngayon…maingat na maingat naman kami. `Di naman natin pwede pambili ang words or prayers lang, kailangan talaga natin pera,” mensahe ni Domingo sa mga kritiko na kontra sa muling pagbubukas ng POGO sa gitna ng enhanced community quarantine.

Ayon pa kay Domingo, inaasahan na ang mga POGO ay makapag-aambag ng humigit-kumulang P650 million kada buwan sa kaban ng bayan na magagamit sa pagtugon sa health crisis.

Aniya, ang PAGCOR ay nakapagbigay na ng P26.5 billion para sa COVID-19 response ng pamahalaan subalit hindi pa rin iyon sapat upang mapondohan ang P5,000 – P8,000 social amelioration program para sa 18 million low-income families sa loob ng dalawang buwan.

“’Yun ang main concern ko, we have 18 million families to feed and thousands of people to test and cure tapos, hindi naman ako pwede maupo na walang gagawin,” paliwanag niya sa ginawang desisyon na payagan ang partial reopening ng POGOs sa kabila ng pagtutol ng marami.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Nauna nang ipinabatid ni Domingo na sa ilalim ng partial reopening ng mga POGO, 30% lang ng total workforce nito ang papayagang makabalik sa trabaho. Kailangan din na negatibo sa COVID-19 test ang mga empleyadong papayagang makapasok.

Kada 14 na araw ay isasailalim sa COVID-19 test ang mga empleyado. Dapat din na hatid-sundo ng kumpanya ang kanilang mga workers.

Nangako rin ang mga POGO firms na mahigpit silang magpapatupad ng social distancing at palagiang magsasagawa ng disinfection.

Sinabi ni Domingo na ang mga papayagan lang na makapag-operate ay ang mga POGO na magbabayad ng buwis para sa first quarter ng taon.

Imahe mula sa Yogonet

Source :

Abante, Politiko