• Trapik sa EDSA muling nagbalik sa unang araw ng MECQ
  • Isa-isang tinitingnan sa checkpoint kung APOR ang pasahero ng mga private vehicles at kung mayroon silang travel pass
  • Batay sa guidelines ng IATF, bawal pa rin ang bumiyahe maliban na lang kung maituturing na essential at emergency

Nawala ang araw-araw na mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa loob ng dalawang buwan, subalit sa unang araw ng pagpapatupad ng mas maluwag na modified ECQ ay muling naranasan ang mabagal na usad ng mga sasakyan sa nasabing kalsada.

Screenshot mula sa GMA video

Ilang netizens ang nagbahagi ng mga larawan ng naranasang mabigat na daloy ng trapiko sa dako ng Mandaluyong City kung saan may COVID-19 checkpoint.

Bagama’t suspendido pa rin ang operasyon ng public mass transportation sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ, walang pumipigil sa mga taong pinahihintulutang makalabas ng kanilang tahanan o ang mga tinatawag na APOR (authorized person outside residence) na gamitin ang sarili nilang mga sasakyan upang magtungo sa kani-kanilang destinasyon.

At dahil pinayagan nang mag-operate ang maraming  industriya, dagsa na rin ang mga delivery trucks sa mga lansangan.

Naging napakabigat din ng trapiko sa EDSA-Balintawak patungo sa North Expressway (NLEX) kung saan mayroong checkpoint ang Philippine National Police-Highway Patrol Group at Quezon City Police District sa kalye malapit sa Unang Sigaw Street at Camachile Road papasok ng NLEX.

Screenshot mula sa GMA video

Mahigpit na iniisa-isa ng mga nagmamando ng checkpoint ang lahat ng dumaraang motorista kung may travel pass o rapid pass. Inaalam din kung sila ay APOR.

Ang mga walang pases at hindi APOR ay pinabalik at hindi pinapasok sa NLEX.

Batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, bawal pa rin ang bumiyahe maliban na lang kung maituturing na essential at emergency.

Imahe mula sa Reportr World FB page