• Tiniyak ng Meralco na may refund na makukuha ang mga consumers na sobra ang naibayad
  • Makukuha ang refund sa mga Meralco business centers
  • Maaari ring i-credit o ipambayad sa susunod na electricity bill ang overpayment

Tiniyak ng Meralco sa mga consumers nito na mag-iisyu ng updated electricity bills na base sa ginawang meter reading ngayong buwan ng Mayo at ang mga customers na nakapagbayd ng “overestimated bills” ay makakakuha ng refund.

Imahe mula sa Meralco

Payo ni Meralco first vice president at head ng Customer Retail Services Victor Genuino sa mga customers na hindi pa nakapagbayad ng konsumo ng kuryente ay hintayin ang bagong bills bago magbayad.

“Consumers must wait for the corrected bill. Importante ho makapag-meter reading. Iyan ang magiging basehan kung ano ba talaga ‘yung actual consumption niya,” sabi ni Genuino.

“Kung nakapag-estimate po tayo ng March and April and ang lumabas ho is the last meter reading was in February, ang makukuha lang po niyang consumption is your May reading, less your February reading, you will have consumption, tatanggalin ho natin ‘yung in-estimate natin ng March and April and makukuha po ‘yung net,” ani Genuino.

Sabi niya, maaring makuha ng customers ang refund sa mga Meralco business centers. May opsyon din sila na i-credit o ibayad sa susunod na bill ang overpayment.

Nauna na nang ipinahayag ng Meralco na ang mga naipong electricity bills na hindi pa nabayaran mula March 1 hanggang May 31 dahil sa ipinatutupad na community quarantine ay maaaring bayaran ng installment.

Imahe mula sa Meralco

Ang electricity consumption na 200kWh pababa ay maaaring hulugan sa loob ng anim na buwan mula June 15 hanggang November 15, 2020, samantalang ang konsumong mas mataas sa 200kWh ay hanggang apat na buwan maaaring hulugan.