• Anim na bansa ang nagpatupad ng panibagong lockdown dahil sa bagong COVID-19 cases
  • Ang mga bansang ito ay China, Germany, Iran, South Korea, Lebanon, at Saudi Arabia
  • Nagkaroon ng mga bagong COVID-19 cases sa anim na bansa matapos luwagan ang mga ipinatutupad na restriksyon

Habang ang maraming gobyerno sa iba’t ibang panig ng mundo ay naghahanda sa pagluluwag ng kanilang lockdown rules upang muling pasiglahin ang kanilang ekonomiya, anim na bansa naman ang muling nagpatupad ng mahigpit na mga restriksyon.

Screenshot mula sa China News video

Kabilang sa mga bansang nagpatupad ng panibagong lockdown ang China, Germany, Iran, South Korea, Lebanon, at Saudi Arabia.

Ang mga bansang nabanggit ay nauna nang nagluwag sa mga restriksyon, subalit muling naghigpit dahil sa mga nadiskubreng bagong COVID-19 infections.

Sa Wuhan City sa China, kung saan unang nanalasa ang coronavirus, ay may nadiskubreng anim na taong nagpositbo sa COVID-19, lima sa kanila ay asymptomatic o hindi nakikitaan ng mga sintomas. Ito ang dahilan kaya nagpatupad ng partial lockdown sa lugar.

Plano ng Wuhan authorities na isailalim sa  COVID-19 testing ang 11 million nitong residente sa loob lang ng sampung araw. Tinawag nila itong “10-day battle.”

Sa Germany ay tatlong distrito lang ang inilagay sa panibagong lockdown. Matatandaang sinabi ni German Chancellor Angela Merkel noong inalis niya ang lockdown sa bansa noong May 6 na handa siyang muling maghigpit kung kinakailangan.

Screenshot mula sa China News video

Isang linggo matapos alisin ang social distancing rules, muling naghigpit ang South Korea dahil sa 35 new cases ng COVID-19. Ang mga bar at restaurant na pinayagang mag-operate ay muling ipinasara. Ang pasok sa mga paaralan ay muling ipinagpaliban.

Ang Iran naman ay muling nagpatupad ng lockdown sa isang probinsya matapos dumami ang panibagong kaso ng COVID-19 dahil sa hindi pagsunod ng mga tao sa social distancing rule.

Sinisisi rin ng pamahalaan ng Lebanon ang mga mamamayan nito na hindi sumusunod sa mga ipinatutupad na guidelines kaya muling dumami ang nagpositido sa virus. Apat na araw ang bagong lockdown na ipinatupad nito.

Ang Saudi Arabia naman ay sa May 23 pa magpapatupad ng panibagong lockdown, pagkatapos ng selebrasyon ng Ramadan.  Nakapagtala ang bansa ng 2,000 new cases ng COVID-19 simula nang luwagan ang mga restriksyon noong April 24 .

Imahe mula sa Middle East Eye