• Sinabihan ni NCRPO chief Sinas ang mga Muslim leaders na bawal ang pagtitipon sa paggunita ng Eid’l Fitr
  • Sinabi ng NCRPO chief na dapat masunod ang direktiba ng IATF na walang pagtitipon o pagdarasal sa mga mosque
  • Pinababantayan ni Sinas ang Luneta at Quirino Grand Stand upang matiyak na walang magaganap na pagtitipon doon

Pinaalalahanan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Debold Sinas ang mga Muslim leaders na ipinagbabawal ang anumang uri ng mass gatherings o pagtitipon sa Eid’l Fitr na gunugunita tuwing pagtatapos ng Ramadan.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Sa isang press briefing , sinabi ni Sinas na nakausap na niya ang mga Muslim leaders at sinabihan na dapat manatiling sarado ang mga mosque sa nasabing holiday dahil sa mga quarantine protocols na ipinatutupad ng gobyerno dahil sa COVID-19 outbreak.

“Every year talagang nagtitipon-tipon ang mga ‘yan. Kaya nga ang ginawa namin, kinausap namin ang mga Imams na based sa directive ng IATF, close pa rin ‘yung malalaking mosques, wala pa rin pagtitipon kasi ‘yun ‘yung policy ng IATF,” sabi ni Sinas.

Inatasan umano sila ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Archie Gamboa na guwardiyahan ang mga mosque upang masigurong masunod ang direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na walang mass gatherings.

Screenshot mula sa video ng PIO NCRPO

“Ang sabi ni chief PNP mag-prepare kami kasi ‘yung mga mosques, guwardiyahan atsaka tingnan na ‘yung directive ng IATF ay masunod na walang pagtitipon-tipon o pagdadasal…” anang NCRPO chief na kailan lang ay nasangkot sa kontrobersya dahil sa diumano ay paglabag sa quarantine protocols nang magdaos siya ng kaarawan sa NCRPO headquarters kasama ang ilan pang heneral at mga subordinates.

Nilinaw niya na hindi siya magtatalaga ng mga pulis sa mga mosque, subalit patuloy silang magpapatrulya sa bisinidad ng mga ito.

Pinababantayan din ni Sinas ang mga open spaces gaya ng Luneta at Quirino Grand Stand upang maasigurong walang malakihang pagtitipon ang magaganap kaugnay ng paggunita sa Eid’l Fitr.

Screenshot mula sa GMA video