• 23 barangay officials na sangkot sa maanomalyang distribusyon ng cash aid kinasuhan na
  • Tiniyak ni DILG Sec. Eduardo Año na paiigtingin ang case build-up upang makulong ang mga tiwaling opisyales
  • 110 ang lahat ng mga barangay officials na kasalukuyang isinasailalim sa “case build-up”

Pormal nang sinampahan ng kaso ang mga barangay officials na sangkot sa anomalya kaugnay ng pamamahagi ng cash aid sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Screenshot mula sa video ng Bulacan Provincial Office

Isiniwalat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año noong Lunes, ika-18 ng Mayo, na nagsampa na ng labindalawang criminal cases sa Department of Justice ang Philippine National Police laban sa 23 barangay officials.

Sabi pa ni Sec. Año, apat na kaso pa ang nakatakdang isampa sa kanila sa mga susunod na araw.

Dagdag pa ng kalihim, 110 ang lahat ng mga barangay officials na kasalukuyang nasa ilalim ng “case build-up” matapos magreklamo ng graft and corrupt practices ang 318 complainants mula sa iba’t ibang lugar sa bansa kontra sa kanila.

Tiniyak ni Sec. Año na ang imbestigasyon at case build-up ay pinaiigting pa upang masiguro na ang mga barangay officials na nanloko sa mga mahihirap  na mamamayan ay maparusahan at makulong.

“Nalalapit na ang pamimigay ng 2nd tranche ng SAP kaya hindi natin hahayaang makapanloko pang muli ang mga ito,” ayon kay Sec. Año.

Imahe mula sa DILG

Binanggit pa niya na karamihan sa mga gumawa ng anomalya ay ang punong  barangay, barangay kagawad, barangay treasurer, barangay secretaries, barangay employees, purok leaders at maging social workers.

Mga kasong paglabag sa  Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act ang isinampa ng PNP sa mga tiwaling opisyales ng barangay.

Ayon sa DILG, kabilang sa reklamo sa mga barangay officials ay ang paghahati-hati ng ayuda para mas maraming pamilya ang mabigyan na ipinagbabawal sa patakaran ng SAP, ang pamemeke ng masterlist ng beneficiaries at ang panghihingi ng parte ng ayuda.

Source :

Inquirer, Tempo