• Hindi pa kailangang isailalim sa ECQ ang Visayas at Mindanao
  • Sinabi ng IATF na wala pang indikasyon na kailangan ang ECQ sa mga nasabing rehiyon
  • Sa kabila nito ay patuloy ang ginagawang pagmomonitor sa sitwasyon ng COVID-19 contamination sa Visayas at Mindanao

Ipinahayag ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na wala pang pangangailangan na sumailalim sa lockdown o magdeklara ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Visayas at Mindanao.

Screenshot mula sa video ng RTVM

Sa regular briefing ng IATF, sinabi ni Cabinet Secretary at IATF spokesman Karlo Nograles na tinalakay ng task force ang sitwasyon sa Visayas at Mindanao ngunit wala pa umanong indikasyon na kailangang isailaim ang mga ito sa ECQ.

Sa kabila nito ay patuloy naman ang ginagawa nilang pagmomonitor sa sitwasyon ng COVID-19 contamination doon.

“Right now wala pang need. Napag-usapan namin ‘yan. There’s no need for enhanced community quarantine for Visayas and Mindanao, pero tuluy-tuloy ang pagmonitor sa number at kung saang probinsya ang mayroong mga kaso ng COVID-19,” ani Nograles.

“We will have to monitor it, day by day, week by week. Kaya yung ating epidemiologists and experts will report every Monday sa IATF batay sa nakikita nila per region,” dagdag pa niya.

Depende sa magiging sitwasyon kung kailangang ideklara ni Panguilong Rodrigo Duterte ang ECQ sa mga nabanggit na rehiyon.

Screenshot mula sa video ng RTVM

“’Pag may nakita tayong very alarming, then the President will come in. Magre-react tayo as the situation warrants,” paliwanag ng IATF spokesman.

Tulad ni Nograles, sinabi rin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi kailangang sa ngayon na isailalim sa ECQ ang Visayas at Mindanao dahil naging maagap naman ang mga lokal na lider sa rehiyon sa pagpapatupad ng sarili nilang community quarantine.

Imahe mula sa Office of the Presidential Spokesman

“Sa madaling sabi ‘yung Visayas at sa Mindanao depende po sa sitwasyon. Sa ngayon, sa tingin natin ay hindi kailangan,” sambit ni Panelo.

Samantala, ang ECQ sa Luzon ay pinalawig ng dalawang linggo – hanggang ika-30 ng Abril – dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang mga mga dinadapuan ng COVID-19.

Source :

Inquirer, Abante