• RapidPass system ipatutupad upang mapabilis ang daloy ng mga sasakyan at tao sa mga checkpoints
  • Ang RapidPass ay special QR code o alphanumeric code na maaaring i-print o i-save sa smartphone para ipakita sa nagmamando ng checkpoint
  • Sa Lunes, ika-6 ng Abril, sisimulan ang RapidPass system

Mapabibilis na ang pagdaan sa checkpoints ng mga frontliners at manggagawa ng mga kumpanyang nagbibigay ng mga mahahalagang serbisyo sa ipatutupad na RapidPass system na sisimulan sa Lunes, ika-6 ng Abril.

Imahe mula sa Bulgar

Sa isang virtual press conference, ipinakilala ni Cabinet Secretary at spokesman ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na si Karlo Nograles ang RapidPass system kung saan padadaanin sa RapidPass checkpoint ang mayroong QR code o alphanumeric code para sa beripikasyon.

“Itong RapidPass system ay na-conceptualize para makatulong mabawasan ang person to person contact at mapabilis ang pag-check ng vehicles ng mga nagawa ng vital services, dun sa mga checkpoints,” sabi ni Nograles.

Ang mga frontliners at iba pang authorized personnel ay maaaring mag-request ng RapidPass sa website ng RapidPass.Ph. Makikita sa website ang kumpletong listahan ng mga pinapayagang makakuha ng RapidPass.

“Media, manufacturers, sila na nabibigyan na po ng accreditation ng DTI and other agencies—sila po ang unang gagamit ng RapidPass system natin,” sabi pa ni Nograles.

Ang bagong sistema ay ipatutupad sa lahat na 56 checkpoints sa buong Metro Manila, subalit unang gagamitin sa checkpoints na pinaka-busy tulad ng nasa Marikina-Marcos Highway.

Imahe mula sa DCTx

Ipinaliwanag ni Nograles na hindi naman mandatory ang pagkakaroon ng RapidPass na magagamit lang hanggang matapos ang enhanced community quarantine.

“What it will give every holder is faster pass-through at checkpoints as they can use RapidPass lanes,” aniya.

Ang special QR code o alphanumeric code na ibibigay ay maaaring i-print at ipatong sa dashboard ng sasakyan o ipakita sa smartphone. Kung walang printer o smartphone, maaaring ipakita sa nagmamando ng RapidPass checkpoint ang control number at isang valid ID.

Imahe mula sa PTV News

Source :

GMA Network, PNA