• Tinangkang silaban ng ‘di pa nakikilalang salarin ang isang quarantine site sa Nagcarlan, Laguna
  • Sinabuyan ng petrolyo ang pintuan ng quarantine facility at sinilaban
  • Isiniwalat ng barangay chairman na tutol ang mga residente na gamiting quarantine site ang gusaling tinangkang silaban

Tinangka ng hindi pa nakikilalang salarin na sunugin ang isang gusali na gagamitin bilang quarantine facility ng mga persons under investigation (PUIs) sa coronavirus disease sa Barangay Maravilla, Nagcarlan, Laguna.

Imahe mula Nagcarlan Municipal Police

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Nagcarlan Municipal Police, nangyari ang tangkang panununog sa Barangay Maravilla Health Center dakong alas-singko ng umaga ng Huwebes, ika-2 ng Abril.

Isang uri umano ng petrolyo ang isinaboy sa pintuan ng isa sa mga silid sa loob ng health center bago sinilaban.

Agad namang naapula ang apoy dahil sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad kaya hindi nagtamo ng malaking pinsala ang pasilidad.

Isiniwalat ng chairman ng Barangay Maravilla na tutol ang mga residente na gamiting quarantine site ang naturang gusali dahil kalapit lang iyon ng residential area. Sa katunayan nga raw ay gumawa pa ng petsiyon ang mga residente na humihiling na huwag gawing isolation facility ang health center.

Imahe mula Nagcarlan Municipal Police

Ayon sa lokal na pulisya, malinaw na ang motibo ng tangkang panununog ay udyok ng pangambang mahahawa ang mga residente sa mga PUI na ika-quarantine doon.

Sinabi ni Nagcarlan Mayor Lourdes Arcasetas na itutuloy pa rin ang quarantine facility. Bantay-sarado na umano iyon ng mga pulis.

“Sana po ay unawain ninyo kung ano ang aming magandang ginagawa para sa inyo, huwag tayo magpolitikahan,” pakiusap ng alkalde sa mga residente ng barangay.

Mayroon na umanong lead ang pulisya upang matukoy  ang pagkakakilanlan ng may kagagawan ng tangkang panununog.

Imahe mula Nagcarlan Municipal Police

“Kumuha pa ng samples ang BFP para mapa-test sa chemist para matukoy kung anong klaseng fuel ang ginamit sa pagsilab sa pintuan… Meron na tayong leads para matunton natin ang identity ng suspek,” ani Police Capt. Elvin John Tio, hepe ng Nagcarlan police.

Ang Nagcarlan ay mayroong 282 persons under monitoring, 5 PUIs at isang nagpositibo sa COVID-19

Source :

ABS-CBN, Facebook