• Sinabi ng DepEd na wala pang katiyakan na sa June magsisimula ang bagong school year
  • Posibleng matuloy ang June school opening kung milagrong maging mabuti na ang sitwasyon ng health crisis sa buwan ng Mayo
  • Kung sakaling hindi pa rin bubuti ang sitwasyon ng krisis ay may iba pa namang plano ang DepEd

Wala pang katiyakan ang pagsisimula ng bagong school year sa darating na buwan ng Hunyo dahil sa umiiral na health crisis sa bansa, ayon sa Department of Education (DepEd).

Imahe mula sa DepEd

Sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Annalyn Sevilla na ang lahat ay wala pang katiyakan nang tanungin kung ang mga klase sa paaralan ay magsisimula sa June tulad ng nakagawian.

Aniya, kung may milagrong maganap at natapos ang COVID-19 crisis sa buwan ng Mayo ay matutuloy ang pagbubukas ng klase sa June.

“Lahat ngayon ay uncertain. Pinakamagandang scenario, tapos ang problema natin by May. ‘Yan ang sinasabi nating milagro, so tuloy ang June,” ani Usec. Sevilla.

Kung sakaling hindi pa rin bubuti ang sitwasyon ng krisis ay may iba pa namang plano ang DepEd.

“But there are Plan B, Plan C, Plan D. Hindi pa naman namin pwedeng ibigay ‘yung mga kongkreto na Plan B, C and D right now kasi we are still consulting our stakeholders, especially our regional directors,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, sinabi niya na ang mahalaga ay tuluy-tuloy na may matutuhan ang mga mag-aaral.

“We are saying there are a lot of uncertainties, but the definite thing to do is we need to continue education, and that is continuity of learning. Ang pag-aaral ay hindi para makakuha ng mataas na grado. Ang pag-aaral ay pagkuha ng tamang values, tamang application, competencies, paano ang mga bata ay matututo sa ganitong panahon,” sambit ni Usec. Sevilla.

Imahe mula sa DepEd

Hinimok siya ang mga mag-aaral na mayroong internet connection na bisitahin ang DepEd Commons kung saan naroroon ang mga leksyon para sa mga mag-aaral. Ginawa itong parang game at interactive upang maging kaaya-aya sa mga estudyante.

Maaari  ring ma-access ng mga estudyante mula sa mga private schools ang DepEd Commons.