• Isang lola na naharang sa checkpoint ang tinulungan ng isang police trainee
  • Nagtitinda ng walis ang 89-anyos na lola nang maharang sa checkpoint dahil sa ipinatutupad na community quarantine
  • Pinakyaw ng police trainee ang lahat ng paninda ng matanda para makauwi na ito

Kahanga-hanga ang ipinakitang kabaitan ng isang police trainee sa Misamis Occidental sa isang matandang babae na sa kabila ng edad nito ay nagsusumikap pa ring kumita ng pera para matustusan ang kanyang mga pangangailangan.

Imahe mula sa PSFTP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta

Ayon sa Facebook post ng PSFTP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta, isang 89-anyos na lola ang hinarang sa checkpoint sa Barangay Paypayan sa Oroquieta City dahil sa ipinatutupad na community quarantine sa buong probinsya.

Ang lola na nasabat sa checkpoint ay nagtitinda ng mga walis tingting upang magkaroon ng pambili ng pagkain at iba pa niyang pangangailangan.

Nang makita ng police trainee na si Raymon Lendio, na kasalukuyang sumasailalim sa Field Training Exercise-On the Job Training, ang matanda ay agad niya itong inabutan ng mauupuan at kinausap.

Sa kanilang pag-uusap, napag-alaman ni Lendio na namumuhay na lang nang mag-isa ang matanda. Sa awa ay pinakyaw niya ang lahat ng walis tingting na itinitinda ng lola na nakilalang si Maria Daque Calo.

Imahe mula sa PSFTP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta

Pinakain pa ng mabait na police trainee ang matandang babae at saka tumawag ng tricycle na masasakyan nito pauwi. Inabutan din ni Lendio ng face mask si lola na bakas ang sayang nadama batay sa larawang ibinahagi ng PSFTP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta sa social media.

Nag-viral ang naturang post dahil humanga ang mga netizens sa ginawa ng police trainee, na nagtulak din sa marami na ipahanap ang matanda upang makapagbigay din sila ng tulong.

Imahe mula sa PSFTP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta

Source :

Facebook