• Lalaki sa isang meme na nag-viral sa social media, lumantad sa “Kapuso Mo, Jessica Soho”
  • Masama ang loob ng lalaki na ginawang katatawanan ang larawan niya sa social media
  • Ayon sa NBI Cybercrime Division, maaaring magsampa ng reklamo ang lalaki kung nais nito

“Hindi ako nalista sa relief goods pero nong tokhang nalista ako.”

Screenshot ng meme sa social media

Ito ang sabi sa isang meme na nag-viral sa social media na gumamit ng larawan ng isang lalaking residente ng Minalabac, Camarines Sur na walang kamalay-malay na ginawa siyang katatawanan sa Facebook.

Lumantad sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang lalaki na nakilalang si Elmer Montemayor, 45 anyos, upang magpaliwanag. Hindi raw niya alam na “sikat” na pala siya sa social media dahil sa nasabing meme.

Aniya, nang malaman niya ang meme ay sumama ang loob niya dahil pinalabas na isa siyang “adik” at nasa tokhang list ng kanilang barangay na wala namang katotohanan.

Paliwanag niya, ang naturang larawan na ginamit sa meme ay kuha noong siya ay nasa Naga kung saan siya naglalako ng mga paninda. Aniya, kinunan ang litrato habang nakatingala at nakatingin siya sa isang naghuhulog ng mga papel.

Hindi umano siya masamang tao at marangal ang kanyang ikinabubuhay.

“Hindi dahil ganito ang itsura ko, sinisiraan niyo na ako. Hindi ako masamang tao, marangal akong tao. Masakit naman na pagbintangan ang katulad ko na inosente,” sambit ni Elmer.

Imahe mula sa KMJS

Bukod sa paglalako ng mga paninda ay pumapasok  din siyang construction worker upang buhayin sa marangal na paraan ang kanyang pamilya.

Nilinaw rin niya na mayroon silang natanggap na ayuda mula sa pamahalaan ngayong ipinatutupad ang enhanced community quarantine.

Maaaring magsampa ng reklamo si Elmer kung gugustuhin niya, ayon sa hepe ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division na si Atty. Victor Lorenzo.

Screenshot mula sa video ng GMA