• Mga social workers na namamahagi ng cash aid nakatatanggap ng mga banta
  • Nanawagan ng pang-unawa ang DSWD sa publiko para sa mga social workers na ginagampanan lang ang trabahong iniatas sa kanila
  • Sa ngalan ng transparency ay sumang-ayon ang DSWD sa mga panukala na ipaskil ang mga pangalan ng mga tumanggap ng cash aid sa bawat barangay

Sa gitna ng mga pagbabanta ng mga taong hindi nabigyan ng ayuda, nakiusap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko ng pang-unawa para sa kapakanan ng mga social workers.

Imahe mula sa DSWD

Ang panawagan ay kaugnay ng mga natatanggap ng mga social workers na pang-i-insulto, pambabatikos at pagbabanta sanhi ng mga problemang kinaharap ng pamamamahagi ng cash aid sa mga mararalitang pamilya sa gitna ng COVID-19 crisis.

“Kami po ay nakikiusap sa ating mga kababayan na huwag magalit, kundi ay bigyan ng tiwala at pang-unawa ang ating mga frontliners na ang nais lamang ay maipahatid ang mga benepisyo ng SAP (social amelioration program) sa mga nangangailangan,” pahayag ni DSWD Undersecretary Rene Paje.

Ayon kay Usec. Paje, nakipag-ugnayan na ang DSWD sa mga military at kapulisan upang bigyan ng suporta at seguridad ang mga social workers na nakatatanggap ng mga pagbabanta.

Umapela naman si Paje sa mga social workers na maging pasensyoso sa mga cash aid beneficiaries.

“Sa mga frontliners naman natin, ganun din po ang aming hinihingi, ang pang-unawa at haba ng pasensya sa mga beneficiaries natin,” aniya.

Imahe mula sa DSWD

Ang pamahalaan ay naglaan ng P200 billion budget para sa emergency cash subsidy sa 18 million poor families na tatanggap ng mula P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan – Abril at Mayo.

Samantala, sa ngalan ng transparency ay sumang-ayon ang DSWD sa mga panukala na ipaskil ang mga pangalan ng mga tumanggap ng cash aid sa bawat barangay.

Inatasan na ng Department of Interior and Local Government ang mga barangay na ipaskil ang mga binigyan ng ayuda. Ito ay kasunod ng mga reklamo na may mga binigyan ng cash aid kahit hindi naman qualified.

Imahe mula sa Facebook page ng Balon Bayambang

 

Source :

ABS-CBN, PNA