• Hinikayat ng DOH ang ibang LGUs na tularan ang ipinatutupad na ordinansa sa Lungsod ng Maynila na nagbibigay-proteksyon sa mga healthcare frontliners at biktima ng COVID-19
  • Dapat umanong bigyan ng angkop na pagpapahalaga at proteksyon ang mga healthcare workers
  • Sa halip na ipagtabuyan, dapat pasalamatan ang mga healthcare workers

Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang mga local government units (LGUs) na tularan ang ordinansa kontra diskriminasyon na ipinasa ng Lungsod ng Maynila kamakailan lang na naglalayong parusahan ang sinumang gagawa ng hindi magandang pagtrato sa mga health frontliners at biktima ng novel coronavirus.

Screenshot mula sa video ng PTV

“Isang magandang hakbang ito upang maiwasan natin ang hindi magandang pagtrato at paggawa ng krimen laban sa mga kababayan na nabibiktima ng sakit na ito at mga frontliners na lumalaban sa COVID-19,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire patungkol sa “Anti COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020.”

Sa ilalim ng ordinansa ay ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon sa mga biktima ng COVID-19, mga persons under monitoring, persons under investigation, health workers at iba pang COVID-19 frontliners sa Lungsod ng Maynila.

“Hinihikayat po ng ating kagawaran ang iba pang local governments na magpatupad ng kagaya nitong ordinansa. Nawa’y bigyan natin ng angkop na pagpapahalaga at proteksyon ang ating healthcare workers,” panawagan ni Usec Vergeire.

Ang panawagan ng DOH ay kasunod ng insidenteng naganap sa Candelaria, Quezon kung saan ang isang ambulance driver ng Peter Paul Medical Center of Candelaria, Inc. ay pinaputukan ng suspek na nakilalang si Ramil Alcantara.

Pinaaalis umano ng suspek ang nakaparadang ambulansya sa pangambang may dala iyong coronavirus. Naganap ang insidente kasunod ng pagtatalo ng driver at suspek.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno

Kinondena ni Vergeire ang pangyayari. Dapat pa nga raw na pasalamatan ang mga frontliners sa halip na itaboy.

“Amin po’ng mariing kinokondema ang mga ganitong pangyayari. Ang mga health care workers at iba pang frontliners ang tumutulong sa atin upang maitawid natin ang ating bayan sa krisis na ito. Imbes na atin silang itaboy at saktan, sila ay dapat nating pasalamatan. Ang kanilang dedikasyon sa ating bayan ay walang katumbas,” aniya.

Sa ilalim ng Anti COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020, maaaring pagmultahin ang mga lalabag ng P5,000 at mapipiit ng hanggang anim na buwan o pareho.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno