• Isang napakagandang mural ang nadiskubre sa ilalim ng wallpaper sa isang bakanteng silid sa Arizona
  • Kinalmot ng pusa ang wallpaper at nahayag ang mural
  • Isang linggo ang ginugol upang matanggal ang lahat ng wallpaper na nakadikit sa mga pader para matunghayan ang kabuuan ng mural

Isang napakagandang mural o wall painting ang nadiskubre ng isang ginang sa Casa Grande, Arizona sa isang silid sa kanyang bahay nang mapunit ang wallpaper dahil sa pagkalmot ng malikot na pusang alaga niya.

Screenshot mula sa video ni Garret Jackman via Facebook

Kwento si Ceejae Jackman, hindi niya alam ang dahilan kung bakit sinimulang kalmutin ng alagang pusang si “Zipper” ang wallpaper sa isang bakanteng kwarto, pero namangha siya sa kanyang nadiskubre sa ilalim ng wallpaper – ang napakagandang wall painting sa buong silid.

“I was just amazed at the scope of it,” ani Jackman.

Tampok sa isang bahagi ng pader ang larawan ng estatwa ni Buddha na nakababad sa tubig habang makikita sa background ang mga bundok at kulay kahel na mga ulap. Makikita naman sa isang bahagi ng pader ang ilang pagoda at mga ulap sa kalangitan na kulay lila.

Nang madiskubre ang mural, agad tinawagan ni Jackman ang anak na si Garret, na naninirahan sa di-kalayuan, upang magpatulong dito sa pagtanggal ng wallpaper sa buong silid.

“I was too curious as to what the rest of the mural looked like and couldn’t let her have all the fun,” ani Garret.

Imahe mula kay Garret Jackman

Isang linggo ang ginugol ng mag-ina upang matanggal ang lahat ng wallpaper na nakadikit sa mga pader ng silid at matunghayan ang kabuuan ng mural.

“I would say it’s like Shangri-La. It’s definitely Hindu inspired. I think that’s a giant Buddha statue in the water. Very serene though,” sabi pa ni Garret na nagkwento pa na dalawang taon pa lang naninirahan doon ang ina kaya wala silang ideya kung sino ang nagpinta niyon.

Sabi ni Mrs. Jackman, hindi niya buburahin ang mural.

Imahe mula kay Garret Jackman

Ipinost ng mag-ina sa Facebook ang video at larawan ng mural sa pag-asang may nakaaalam kung sino ang pintor na gumawa ng wall painting.

Nakarating naman sa painter ang Facebook post ni Garret at agad itong nakipag-ugnayan sa kanya.

“The artist contacted me! His name is Jody Bayles and he does some really awesome work so, show him some love! It’s crazy just how fast this got to him but we are very happy that it reached him,” aniya.

Panoorin ang video: