• Bahay ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Quezon City, idineklarang hot zones
  • Ang mga naninirahan sa hot zones ay hindi papayagang lumabas ng kanilang bahay
  • Ang pagkain at iba pa nilang pangangailangan ay regular na ihahatid sa kanilang mga pintuan

Idineklara ng Quezon City (QC) government bilang “hot zones” ang mga bahay ng mga residenteng nagpositibo sa COVID-19 at isinailalim ang mga nakatira doon sa full quarantine.

Imahe mula sa Quezon City government

Sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte na hindi papayagang lumabas ng bahay ang mga residenteng nasa “hot zones.” Wala ring maaaring pumasok sa hot zones. Ang pagkain at iba pa nilang pangangailangan ay regular na ihahatid sa kanilang mga pintuan.

Itatalaga naman bilang “warm zones” ang mga bahay na nasa loob ng 500 meters sa palibot ng “hot zones.” Isasailalim sa istriktong monitoring ang mag residente sa “warm zones.” Kailagan nilang dumaan sa thermal scan kapag lalabas ng bahay para bumili ng mga pangangailangan.

Mayroong 29 confirmed COVID-19 cases sa lungsod. Naitala ang mga ito sa mga barangay ng Matandang Balara, BL Crame at Bagong Silangan. Ilan sa mga pasyente, kabilang ang isang trese-anyos na bata ang nakarekober mula sa karamdaman.

Magtatayo ng checkpoints ang lokal na pamahalaan sa palibot ng mga barangay na mayroong dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Imahe mula sa Quezon City government

Maglalagay naman ng pasilidad para sa quarantine sa mga malalaking pagamutan sa lungsod. Kabilang dito ang St. Luke’s Medical Center, East Avenue Medical Center, Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines at Quirino Memorial Medical Center.

Inanunsyo rin ni Mayor Belmonte na magbibigay ang lungsod ng libreng pagkain sa 400,000 families na nawalan ng kabuhayan dahil sa ipinaiiral na enhanced community quarantine. Ang distribusyon ng mga pagkain ay sisimulan sa ika-23 ng Marso hanggang sa ika-5 ng Abril.

Hinihingi ng alkalde ang suporta ng national government para sa huling linggo ng lockdown dahil hindi sapat ang pondo ng lungsod para sa lahat ng residente.

Imahe mula sa Quezon City government