• Hepe ng pulisya sa Cebu hinuli dahil sa pagpapatulog ng dalawang female inmates sa loob ng kanyang opisina
  • Napag-alamang may relasyon ang opisyal sa isa sa dalawang inmates
  • Patung-patong na kaso ang haharapin ng hepe ng pulisya dahil sa mga paglabag

Patung-patong na mga kaso ang haharapin ng hepe ng Argao Municipal Police Station sa Cebu matapos maabutan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang dalawang babaeng inmates na natutulog sa loob ng kanyang opisina.

Imahe mula sa PNP-IMEG

Kinilala ni P/Col. Ronald Lee, acting director ng IMEG ang hepe na si Maj. Ildefonso Miranda Jr.

“Major Miranda and the female inmate were found sleeping in one bed, while the other female inmate was deep in her slumber at the police chief’s office. This won’t be tolerated,” sabi ni P/Col. Lee.

Ayon sa IMEG, karelasyon ni Miranda ang inmate na katabi niya sa kama samantalang ang isa pa ay ginagawa niyang helper. Ang dalawang inmates ay parehong nakulong dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165.

Sinabi ni Lee na nagsagawa sila ng surveillance operation laban kay Miranda matapos makatanggap ng mga report na nagpapatulog siya ng mga babaeng detainees sa loob ng kanyang opisina.

Ang mga inmates ay kinilalang sina Jean Claudia De Guzman, 23 at Brenda Cutillar, 40.

“Reports had it that the 46-year old police official is having sexual relationship with the female inmate in exchange for her privilege to sleep in his air-conditioned office,” ani Lee.

Imahe mula sa PNP-IMEG

Nang siyasatin ng IMEG ang cellphone ni Miranda, nakita roon ang ilang larawang katabi niya sa kama si De Guzman. May isa pang larawan na  makikitang suot ng babae ang uniporme ng opisyal.

Posibleng matanggal sa serbisyo si Miranda sa mga ginawang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 210 ng Revised Penal Code (RPC) for Direct Bribery, at Article 156 ng RPC o Delivery of Prisoners from Jail.

Imahe mula sa PNP-IMEG