• Doktor na papunta sa barangay medical clinic napilitang maglakad matapos maipit ang sasakyan sa grabeng trapiko sa isang checkpoint sa Pasig City
  • Dalawang dialysis patients naglakad dahil walang masakyan
  • Suspendido ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan dahil sa enhanced community quarantine

Isang doktor mula sa Cainta, Rizal ang napilitang maglakad patungo sa isang barangay medical clinic sa Pasig City nang maipit ang kotse sa haba ng pila ng mga sasakyang pinatitigil sa checkpoint dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Screenshot mula sa GMA video

Reklamo ng doktor na nagpakilalang si Dr. Eugenio, mahigit tatlo at kalahating oras na umano mula nang marating nila ang Eastbank Road sa hangganan ng Cainta at Pasig kung saan naroroon ang checkpoint, subalit hindi na raw sila makausad sa dami ng mga sasakyang pinahihinto.

“I-report niyo na ito. Three and half hours, andun kami… Alas singko ng umaga…Hindi kami makapunta rito. Pupunta ako sa barangay medical clinic. Kailangan ako roon eh,” anang doktor.

Samantala, dalawang pasyente naman na kailangang magpa-dialysis ang napilitang maglakad patungo sa dialysis clinic dahil walang masakyan matapos isuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biyahe ng pampubilkong sasakyan kaugnay pa rin sa enhanced community quarantine.

Alam naman umano ng dalawa na suspendido ang biyahe ng mga sasakyan ngunit nagbakasakali pa rin sila upang hindi lumiban sa naka-schedule na dialysis treatment.

Screenshot mula sa GMA video

Hinarang umano ang dalawang pasyente sa checkpoint sa hangganan ng San Mateo, Rizal at Quezon City. Ang isa sa kanila ay isinakay ng ambulansyang naka-istasyon sa checkpoint at dinala sa National Kidney and Transplant Institute.

Ang isa ay naglakad na lang mula sa checkpoint patungo sa ospital malapit sa Scout Gandia sa Quezon City.

Isang nurse naman sa dialysis center na residente ng Antipolo, Rizal ang naglakad ng 40 minuto upang makarating sa clinic na pinapasukan sa Marikina City.

“Wala po transpo like jeep or taxi so naglakad po kami papuntang work,” aniya.

Ipinatutupad ang total suspension ng public transportation upang mapilitan ang publiko na hindi na lumabas ng kanilang mga tahanan sa layuning makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Screenshot mula sa GMA video