• Katuwaang “moving-up” ceremony ng isang day care student, ibinahagi sa social media
  • Ang nakatutuwang “seremonya” ay ginawa ng pamilya ng bata matapos makansela ang tunay na moving-up ceremony sa day care center
  • Masaya ang pamilya ng bata na nakapagbigay sila ng aliw sa mga tao sa gitna ng health crisis sa bansa

Excited na ang apat-na-taong-gulang na batang si Azrael Tuazon sa nakatakdang moving-up ceremony na gagawin sa pinapasukang day care center. Kindergarten na siya sa susunod na pasukan.

Screenshot mula sa video ni Jean Tuazon

Dahil sa idineklarang enhanced community quarantine sa buong Luzon, kinansela ang pasok ng mga estudyante sa lahat ng antas ng paaralan. Ang mga graduation at moving-up ceremonies ay ipinagpaliban sa maraming paaralan at sa iba naman ay tuluyan nang kinansela.

Ang moving-up ceremony ay kanselado na sa day care center na pinapasukan ni Azrael, ngunit hindi napigil ang pamilya niya na gumawa ng sariling seremonya na hindi malilimutan sa loob mismo ng sariling bakuran sa Apalit, Pampanga.

“‘Yung excited s’ya sa graduation n’ya, pero cancelled dahil sa COVID-19. DIY moving-up,” caption sa video na ipinost ni Jean Tuazon sa Facebook.

Ipinakita sa video ni Jean, tita ni Azrael, ang nakatutuwang “do-it-yourself” moving-up ceremony. Makikitang mag-isang nakaupo ang bata suot ang malaking kulay puting polo na nagsilbing “toga” at may suot na sombrero na nagsibing “graduation cap.”

Screenshot mula sa video ni Jean Tuazon

Maririnig pa sa background ang Philippine Graduation March habang tinatawag ang pangalan ni Azrael para tanggapin ang “diploma.” Isang papag na yari sa kawayan ang nagsilbing “stage.”

May mga kunwaring awards din na tinanggap si Azrael – ang “Best in Recess,” “Best in Kaya Mo Na ‘Yan” at “Best in Ikaw na Gumawa.”

Kagaya ng mga tunay na nagsipagtapos, hinagis ni Azrael sa ere ang suot na “graduation cap” pagkatapos ng nakatutuwang “seremonya.”

Hindi inaasahan ni Jean Tuazon na magiging viral ang video ng katuwaang moving-up ceremony ng pamangkin na ngayon ay mayroon nang 732,000 views. Masaya siya na nakapagbigay sila ng aliw sa mga tao sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa.

Source :

Facebook