• DILG, binalaan ang mga barangay officials na hindi gumaganap sa tungkulin sa gitna ng health crisis sa bansa
  • Sususpendihin ng DILG ang mga barangay officials na mapatutunayang nagkulang sa pagganap sa tungkulin
  • Hinimok ng DILG ang mga mamamayan na i-report sa kanila ang mga tutulug-tulog na barangay officials

Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sususpendihin ang mga barangay officials na hindi ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at obligasyon sa gitna ng enhanced community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa DILG

“Kung hindi kayo kikilos baka hindi kayo aabot nitong buwan or next month. Wala na kayo sa puwesto ninyo.  Imo-monitor namin kayo ng DILG dahil obligasyon ninyo,” babala ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño.

Ayon kay Usec Diño, dapat pangunahan ng mga barangay ang pamamahagi ng pagkain mula sa Department of Social Welfare and Development para sa mga mamamayan sa Luzon. Hinimok niya na gamitin ng mga barangay ang lahat ng kanilang resources para ayudahan ang mga apektadong residente.

“Tinatawagan natin all barangays, lalo na mga kapitan, gamitin n’yo ang resources ninyo. Lahat ng mga sasakyan, na gamitin n’yo sa mga nangangailangan na dadalhin sa ospital, o kung malayo sa grocery,” aniya.

Hinimok ni Diño ang mga residente na i-report sa DILG ang mga iresponsableng barangay officials.

“Pakiusap ko naman sa mga mamamayan ng barangay kapag ang kapitan ninyo, barangay officials ninyo ay tutulog-tulog, i-report ninyo ‘yan,” aniya.

Imahe mula sa DILG

Ayon naman kay DILG Secretary Eduardo Año, maaari umanong ipadala sa website at hotline ng ahensya ang mga reklamo tungkol sa mga barangay officials.

“Meron kaming hotlines at website, padala kayo ng mga impormasyon doon,” sabi ni Año.

Sabi pa niya, dapat tulungan ng mga barangay ang kapulisan at militar sa pagpapatupad ng curfew.

Imahe mula sa DILG