• Ilang barangay officials napaulat na naniningil para sa quarantine pass at food stub
  • Binalaan ng DILG ang mga abusadong barangay officials
  • Hinihikayat ng DILG ang publiko na i-report sa kanila ang mga abusadong local government officials

Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na parurusahan ang sinumang opisyal ng barangay na mangongolekta ng bayad para sa quarantine pass, food stud at community ID na mula sa mga residente.

Imahe mula sa DILG

Ang babala ay kasunod ng mga napaulat na may ilang barangay ang humihingi ng bayad para sa mga nasabing passes o ID na dapat ay libreng ipinamamahagi sa bawat pamilya sa nasasakupan ng kanilang barangay.

“Mahiya kayo sa mga balat ninyo. Sisiguraduhin ko na makukulong ang mga abusadong ‘yan na nakuha pang manloko ng mga kababayan nila sa panahon ng krisis na tulad nito. You are expected to help your people not cause them more sufferings,” mariing pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.

Ayon naman sa DILG Undersecretary Jonathan Malaya, dapat pag-isipang mabuti ng mga barangay captain at mga konsehal ang kanilang mga ginagawa.

“Sana gamitin ng mga barangay captain at mga konsehal ang kanilang mga utak. Sa panahong ito, nakadagdag pa sila sa problema ng Pilipinas kung hindi nila pag-iisipang mabuti ang kanilang mga ginagawa,” ani Malaya.

Screenshot mula sa video ng GMA

“They are supposed to give assistance and not exact fees from people in need in the midst of the coronavirus disease 2019 health emergency. I’ll make this clear: Barangay officials have no authority to impose such fees and to set up checkpoints without coordinating with their mayors,” dagdag pa niya.

Hinihikayat ng DILG ang publiko na i-report ang mga abusadong local government officials sa pamamagitan ng DILG Emergency Operations Center hotlines 02-8876-3454 local 8806/8810.

Screenshot mula sa video ng GMA