• Dating senador na si Antonio Trillanes IV at sampung iba pa ipinahuhuli ng korte
  • Handa umanong harapin ni Trillanes ang kaso
  • Sa kasalukuyan ay nasa labas ng bansa si Trillanes

Kinumpirma ng Quezon City Metropolitan Trial Court na ipinahuhuli nito ang dating senador na si Antonio Trillanes IV at sampung iba pa dahil sa kasong “conspiracy to commit sedition.”

Imahe mula sa Facebook account ni Antonio Trillanes IV

Ayon sa clerk ng Metropolitan Trail Court Branch 138, ang mga warrants ay ipinadala ni Judge Kristine Grace Suarez kay Trillanes at sa iba pa na sinampahan ng kaso kaugnay ng serye ng mga  video na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist.”

Kinilala ang sampung kasama ni Trillanes na ipinahuhuli ng korte bilang sina Peter Joemel Advincula alyas Bikoy, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Albert Alejo, Yoly Ong-Villanueva, Boom Enriquez, Jonnell Sanggalang, JM Saracho, Eduardo Acierto, Vicente Romano, at isang kinilala lang sa pangalang Monique.

Ang mga respondents ay nakatakdang humarap sa hukuman sa ika-17 ng Marso, alas dos ng hapon.

Si Trillanes, na kasalukuyang nasa labas ng bansa, ay nagbigay ng pahayag tungkol sa utos na sila ay dakpin.

“I am out of the country as of the moment for a series of engagements. But I intend to post bail once I arrive in Manila late next week. I will face this case just as I have faced all the other harassment cases Duterte’s minions have filed against me,” anang dating senador.

Imahe mula sa Facebook account ni Antonio Trillanes IV

Ayon kay Peter Joemel Advincula alyas Bikoy, ang nabanggit na video series ay pakana ng mga oposisyon upang siraan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinag-aaralan ng prosekyusyon kung gagawing state witness si “Bikoy.”

Ayon sa abogado ni Bikoy na si Atty. Larry Gadon, ang kliyente niya ay kasalukuyang nasa isang safehouse at plano nitong maglagak ng piyansa sa susunod na linggo.

Screenshot mula sa YouTube video ni Bikoy