• Binawi na ng pamahalaan ang travel ban sa Taiwan
  • Ikinatuwa ng pamahalaan ng Taiwan ang pagbawi sa travel ban
  • Mahigpit ang security measures na ipinatutupad ng Taiwan upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19

Binawi na ng pamahalaan ang travel ban sa Taiwan nitong Biyernes,ika-14 ng Pebrero, na ikinatuwa naman ng mga opisyal ng Department of Tourism dahil maiibsan nito ang epekto sa tourism industry ng bansa na dala ng COVID-19.

Imahe mula sa Unsplash

“The lifting of the travel ban on Taiwan is highly assuring and we hope that the nCov crisis would soon be resolved, worldwide. Ultimately, the recovery of all affected countries is a universal prayer, especially that tourism is an inclusive and sustainable business for and of the people,” ayon kay Tourism Secretary Bernadette Puyat.

Ipinahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na bawiin ang travel ban dahil na rin sa mahigpit na security measures na ipinatutupad ng Taiwan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ipinaliwanag ni Department of Health (DOH) Spokesperson Eric Domingo na isinama ang Taiwan sa travel ban na ipinatupad ng pamahalaan dahil ipinagpapalagay ng World Health Organization na iyon ay bahagi ng China.

Noong ika-2 ng Pebrero nagpatupad ang pamahalaan ng travel ban sa China at mga administrative regions nito kabilang ang Hong Kong at Macau. Kinunkonsidera ng China na ang Taiwan ay probinsya nito.

Imahe mula sa Taipei Times

Maaalalang dahil sa travel ban ay nagbanta ang Taiwan na gaganti ito laban sa Pilipinas. Sususpindehin umano nito ang visa-free travel para sa mga biyaherong Pilipino.

Nilinaw naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na walang kinalaman ang banta ng Taiwan sa pagbawi ng travel ban. Aniya, tanging public health at safety ang ikinunsidera ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa pagbawi ng ban.

Ikinatuwa naman ng pamahalaan ng Taiwan ang pagbawi sa travel ban.

Imahe mula sa TECO