• Mga poste ng LRT-1 sa Lungsod ng Maynila ginawang vertical garden
  • Ang unang dalawang poste ng LRT-1 na nasa pagitan ng Central Station at Manila City Hall ay tinaniman na ng mga halaman
  • Magtutulungan ang LMRC at ang Manila City government sa pangangalaga sa mga halaman

Mga poste ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Lungsod ng Maynila ang ginawan ng vertical garden, ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang private operator ng LRT-1.

Imahe mula sa Manila PIO

Sinabi ng LRMC na ang vertical garden initiative ay bilang suporta nila sa plano ni Manila Mayor Francicso “Isko Moreno” Domagoso na magkaroon ng 1,600 hectares ng green space upang maging malinis ang hangin sa lungsod.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Mayor Isko Moreno na unti-unti nang natutupad ang vertical garden project.

“Proyekto para sa vertical garden, unti-unti nang natutupad sa Lungsod ng Maynila. Mga halaman, ikinakabit na sa mga poste ng LRT-1 sa tapat ng Manila City Hall,” post ni Yorme.

Ang unang dalawang poste ng LRT-1 na nasa pagitan ng Central Station at Manila City Hall sa kahabaan ng Natividad-Lopez Street ay binalutan na ng metal frame na pagsasabitan ng mga sari-saring halaman.

Kabilang sa mga tanim na inilagay sa vertical garden ay bird’s nest fern, manaog ka irog at philodendron heartleaf. Bukod sa makatutulong ang mga ito upang labanan ang air pollution, mas gaganda pa sa paningin ang mga konkretong poste.

Magtutulungan ang LRMC at ang Manila City government sa  pangangalaga sa mga halaman.

Imahe mula sa Manila PIO

“I’m after clean air and lowering the carbon footprint. Air is difficult to keep clean, water—you can cure it, but the only way to clean our air is through nature,” sabi ni Mayor Isko.

Hinikayat ng LRMC at ng Lungsod ng Maynila ang lahat ng mga interesado na makibahagi sa green space initiative sa pamamagitan ng pagpopondo sa konstruksyon ng vertical garden sa iba pang poste ng LRT-1.

Imahe mula sa Manila PIO

Source :

Facebook, Twitter