• Nagkaroon ng shortage sa supply ng surgical masks dahil sa pagkalat ng nCoV
  • Ang nag-iisang manufacturer ng surgical masks sa bansa ay nangako sa DTI na gagawa ng 2 million masks kada buwan
  • Kayang gumawa ng hanggang 80,000 pieces kada araw ng surgical mask ang nasabing kumpanya na nakabase sa Bataan

Nangako sa Department of Trade and industry (DTI) ang kaisa-isang manufacturer ng surgical masks sa bansa na gagawa ito ng dalawang milyong piraso nito kada buwan upang matugunan ang malaking demand.

Imahe mula sa Medtecs International Corp., Ltd.

Sa isang pahayag, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na ang Medtecs International Corp., Ltd. ay nangakong magsu-supply ng 100,000 surgical masks ngayong linggo at sa susunod ay 400,000 pieces na kada linggo dahil itinaas nito ang kanilang production capacity upang matugunan ang lumalaking local demand.

Kaya umanong gumawa kada araw ng hanggang 80,000 pieces ng surgical mask ang nasabing kumpanya na nakabase sa Bataan.

“Medtecs, which has been operating in the country for the last 41 years, expressed their continuous commitment to support and prioritize the requirements of the Philippines,” ayon pa kay Sec. Lopez.

Nauna nang nagkaubusan ng mga surgical masks sa mga tindahan simula noong pumutok ang Bulkang Taal dahil sa makapal na abo na ibinuga nito.

Hindi pa man natatapos ang krisis na dala ng Taal ay nagkaroon naman ng pagkalat ng novel coronavirus (nCoV) na nagmula sa China na lalong nagpalala sa kakulangan ng face masks.

Imahe mula sa Medtecs International Corp., Ltd.

Batay sa ulat ng DTI, ang mga malalaking botika tulad ng Mercury Drug at Southstar Drug ay wala nang stock noon pang nakaraang linggo.

Inatasan ng DTI ang isang ahensya sa ilalim nito – ang Philippine International Trading Corporation – na mangalap ng limang milyong face masks mula sa ibang bansa upang maidagdag sa local supply at higit sa lahat ay upang may magamit ang Department of Health at iba pang health workers.

Imahe mula sa eChinaCities

Source :

PNA, Bilyonaryo