• Mga Chinese nationals na dumarating sa bansa binibigyan ng VIP treatment ng immigration officers kapalit ng P10,000
  • Ibinunyag ito ni Sen. Risa Hontiveros sa isang senate hearing
  • Isang video ang inilabas ng senadora bilang ebidensiya sa nangyayaring katiwalian

Tinawag ni Senator Risa Hontiveros na mga taksil sa bayan ang ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagbibigay nila ng VIP treatment sa mga Chinese nationals na pumapasok sa bansa kapalit ng P10,000.

Imhe mula sa Office of Sen. Risa Hontiveros

Ibinunyag ni Senator Hontiveros ang tinatawag na “pastillas” modus operandi ng mga immigration officers sa airport sa pamamagitan ng isang video na galing sa kanyang impormante mula sa BI.

“Tinanong ko bakit pastillas ang tawag. Dati daw kasi, wala pang mga sobre so nilalagay sa bond paper at niro-rolyo na parang pastillas. Ngayon, mas professional na, may sobre parang legit na pasuweldo, may bonus ‘pag perfect attendance, at may pa-lunch pa mula sa mga Chinese,” pagbubunyag ng senadora.

Sa committee hearing, naglabas ang senadora ng isang video na nagpapakita sa immigration officer na sinasamahan ang mga dumarating na Chinese nationals sa loob ng BI office kung saan beberipikahin ang kanilang  pangalan batay sa listahan na hawak ng BI.

“Bakit parang may VIP escort itong mga Chinese nationals papasok ng bansa? ‘Wag na ‘wag n’yong lolokohin ang taumbayan. Hindi standard procedure ‘yan?” tanong ni Sen. Hontiveros na chairman of the Women, Children, Family Relations, and Gender Equality Committee.

Imahe mula kay Sen. Risa Hontiveros

Mula sa halagang P10,000, ang P2,000 ay sa immigration officers napupunta, ang P8,000 ay pinaghahati-hatian naman ng iba pang kasabwat sa modus.

“Nasaan na yung P8,000? Ayon sa aming informant, distributed na, bago pa man makarating sa airport: sa Chinese tour operator, sa ka-kontratang local tour operator, at sa sindikatong magda-downstream sa airport,” ani Sen. Hontiveros.

Aniya, kung susumahin ang bilang ng mga Chinese nationals na nakapasok sa bansa ay bilyon na ang halaga na ng kickback na nakuha ng operator ng “pastillas” scheme.

“Kung sasabihin nating one million ang pumapasok gamit ang ‘pastillas’ system, P1 billion na ang nabayad na kickback,” pahayag ng senadora.

Itinanggi naman ng mga immigration officers na dumalo sa senate hearing na may nalalaman sila sa nasabing modus.