• Mga pasyenteng nakarekober na sa COVID-19, muling nagpositibo sa virus
  • 14% ng COVID-19 patients sa Guangdong Province sa China ang naiulat na muling nagpositibo matapos gumaling at ma-discharge sa ospital
  • Dahil dito ay kinakailangang ma-monitor nang mas mahabang panahon ang COVID-19 patients na na-discharge sa ospital

Nagsasagawa ngayon ang mga health authorities sa China ng masusing pagmo-monitor sa mga pasyente ng new coronavirus (COVID-19) na gumaling at na-discharge na mula sa mga pagamutan.

Imahe mula sa China Topix

Ito ay kasunod ng report ng Guangdong Centre of Disease Control and Prevention na 14% ng mga COVID-19 patients na gumaling at na-discharge na mula sa isang ospital sa Guandong Province ay muling nagpositibo sa nasabing virus.

Ipinahayag ni Song Tie, deputy director ng Guangdong Center of Disease Control And Prevention, na wala pang malinaw na dahilan kung paano nangyari iyon at kung ang mga pasyenteng muling nagpositibo sa COVID-19 ay nakahahawa.

Aniya, batay sa paunang pagsusuri ay naniniwala ang mga eksperto na hindi pa lubos na magaling mula sa lung infection ang mga pasyente nang i-release sila ng ospital.

Dahil dito ay kinakailangang i-monitor nang mas mahabang panahon ang mga  nakarekober na pasyente kahit dalawang beses nang nag-negatibo ang resulta ng virus test na isinagawa sa kanila.

Batay sa treatment guidelines para sa COVID-19 na inilabas ng National Health Commission, ang mga pasyente ay maituturing nang magaling at puwede nang lumabas ng ospital kapag ang resulta ng throat o nose swab sa dalawang magkasunod na tests ay negatibo.

Imahe mula sa Xinhua

Dapat may kasama itong CT scan na nagpapahiwatig na walang lung lesions at wala nang anumang sintomas gaya ng lagnat.

Ayon pa sa nasabing guidelines, dapat bantayan ng mga pasyenteng gumaling na ang kanilang kalusugan at limitahan ang mga outdoor activities sa loob ng 2 weeks paglabas ng pagamutan at muling magpasuri pagkaraan ng ilang linggo.

Labintatlong COVID-19 patients na na-discharge sa Guangzhou No.8 People’s Hospital na bumalik sa ospital para muling magpasuri ay nagpositibo ulit sa virus, pahayag ni Cai Weiping, director ng Infectious Diseases Division ng nasabing pagamutan.

Ilan pang kahalintulad na kaso ang naiulat mula sa ibang panig ng China.

Screenshot mula sa CNN video