• Mga depektibong pera maaari palang pagkakitaan
  • Maraming uri ng depekto ang pera kabilang na ang mismatch serial numbers at faceless bills
  • Walang batas na nagbabawal sa bentahan ng mga error bills, subalit pinag-iisipan ng BSP na gumawa ng batas upang ipagbawal ito

Maaaring pagkakitaan ang mga depektibong pera ng bansa, perang papel man ito o barya, dahil may mga kolektor na handang magbayad ng malaking halaga kapalit ng mga ito.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Tinatawag na “error bills” o “defective note” ang mga perang papel na mayroong mali sa pagkakaimprenta o pagkakagawa. Minsan ay may mga coins na depormado ang itsura dahil doble ang pagkakaimprenta.

Maraming klase ang mga depekto ng error bills tulad na lang ng 100-peso bill na mali ang spelling sa pangalan ng dating pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo. Ang Arroyo ay naging “Arrovo.”Binasagan itong Arrovo bills.

Mayroon namang mas maliit ang sukat ng pera kumpara sa iba dahil mali ang pagkakaputol. Mayroon ding magkaiba ang serial number at may perang walang mukha o “faceless bills.”

Isang kolektor ang nagsabi na nagsimula siyang mangolekta ng mga error bills noong taong 2005 nang magkaroon siya ng mga Arrovo bills. Nagkaroon din siya ng P50 bill na walang mukha. Nabili raw niya ito sa halagang P500 isa at ang P100 na walang mukha ay P1,200 bawat isa ang bili niya.

Aniya, nagkaroon siya ng 12 piraso ng P100 faceless bills at naibenta niya ang mga iyon ng P3,500 bawat isa.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Para sa kanya, ang paper bills na may mismatch o magkaibang serial numbers ang pinakamahal. Ang P20 na ganito ay mabibili ng P1,800 isa at ang P500 ay aabot sa P5,000 isa.

Sa ngayon ay walang batas na nagbabawal sa bentahan ng mga defective banknotes, subalit pinag-iisipan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gumawa ng batas upang ipagbawal ang mga ganitong transaksyon.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Source :

ABS-CBN, YouTube