• Posibleng magsagawa ang BI ng mass deportation laban sa mga Chinese POGO workers
  • Kasunod ito ng sinabi ng Chinese Embassy sa Maynila na kinansela na ang passport ng libo-libong Chinese POGO workers sa bansa
  • Ang mga banyagang may permit to work ay ipinagpapalagay na undocumented sa oras na kinansela ng kanilang pamahalaan ang pasaporte nila

Nakaamba ang isang mass deportation laban sa mga Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operations) kasunod ng napaulat na kinansela ng China ang passport ng libo-libo nitong mamamayan na nasa Pilipinas.

Screenshot mula sa GMA video

Kukumpirmahin umano ng Bureau of Immigration (BI) mula sa Chinese Embassy kung totoong kinansela na ang mga pasaporte ng Chinese POGO workers na diumano ay sangkot sa cross-border telecommunications fraud.

“This could lead to mass deportation,” sabi ni BI spokesperson Dana Sandoval.

Ipinaliwanag ni Sandoval na ang mga banyagang may permit to work ay ipinagpapalagay na undocumented sa oras na kinansela ng kanilang pamahalaan ang pasaporte nila.

Noong nakaraang linggo ay isiniwalat ng Chinese Embassy sa Maynila na hawak na umano ng Ministry of Public Security ng China ang listahan ng mga Chinese POGO workers na sangkot sa iba’t ibang krimen, subalit hindi pa pormal na naabisuhan ang BI hinggil sa kanselasyon ng mga passport.

“Ang procedure po niyan, ‘pag nagka-cancel po sila ng passport ng mga alien fugitives po nila, fino-forward po sa atin para mailalagay for monitoring. Kung nandito sila sa bansa, huhulihin natin for deportation,” paliwanag ng BI spokesperson.

Screenshot mula sa GMA video

Samantala, ipinahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na handa silang ipatigil ang operasyon ng mga POGO sa bansa kung kinakailangan.

“Kung makita natin na despite all the efforts na ginagawa hindi talaga natin maalis o talagang hard to accept ‘yung industry dito sa Philippines, then PAGCOR is very much willing to shut down the operations of POGO,” wika ni PAGCOR Assistant Vice President for Offshore Gaming and Licensing Department na si Jose Tria Jr.

Batay sa tala ng PAGCOR, aabot sa 91,000 ang foreign POGO workers na ang karamihan ay mga Chinese. Nasa 29,000 naman ang mga Pilipinong nabigyan ng trabaho sa nasabing industriya.

Imahe mula sa PAGCOR