• Dalawang K-pop groups at cast ng Korean variety show may nakatakdang concert sa Maynila
  • Ang K-pop groups na Seventeen at NCT Dream, at ang cast ng Running Man ay nakatakdang magtanghal sa Maynila 
  • Magpapatupad ng “no mask, no entry” policy sa mga nasabing concert dahil sa nCoV

Magpapatupad ng “no mask, no entry” policy ang isang concert producer para sa pinakaaabangang concert ng dalawang Korean pop groups (K-pop) at sa Manila tour ng  isang popular na Korean variety show ngayong buwan ng Pebrero.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Kasunod ng advisory na inilabas ng Department of Health na iwasan ang mga matataong lugar kaugnay ng banta ng novel coronavirus (nCoV), sinabi ni Happe Sy-Go ng Pulp Live World na mahigpit nilang ipatutupad sa mga nabanggit na events ang “no mask, no entry” policy.

Sa February 8 ay nakatakda ang “Ode to You” concert ng K-pop group na Seventeen na gaganapin sa SM Mall of Asia (MOA). Ang “A Decade of Laughter” tour ng variety show na “Running Man” ay sa June 21 naman gaganapin sa kaparehong venue.

Gagawin naman ng K-pop group na NCT Dream ang kanilang “The Dream” concert sa February 29 sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.

Nakiusap pa si Happe Sy-Go sa mga taong manggagaling sa mga lugar na apektado ng nCoV na hangga’t maaari ay huwag nang manood ng mga naturang shows para sa kaligtasan ng lahat.

Imahe mula sa NCT Dream Instagram account

“We highly discourage those coming from affected areas to the show for everyone’s safety,” aniya.

Tiniyak ng concert producer na bibigyan nila ng libreng face mask ang mga concertgoers na walang dalang face masks. Mahigpit din umano nilang susuriin ang body temperature ng mga manonood ng concert.

Maglalagay din ng ilang disinfectant o alcohol stations sa loob ng concert venue.

Imahe mula sa Running Man Instagram account