• Nawalan ng boses si Elton John sa gitna ng concert sa New Zealand
  • Nakitang napaluha ang singer bago siya inalalayan pababa ng stage
  • Bago niya simulan ang concert ay sinabi na niya sa fans na mayroon siyang walking pneumonia

Bago magsimula ang concert niya sa Mount Smart Stadium sa Auckland, New Zealand ay nagsabi na si Sir Elton John sa mga fans na na-diagnose siya ng walking pneumonia noong umagang iyon.

Imahe mula sa Instagram account ni Elton John

Aniya, wala sa ayos ang boses niya subalit ayaw raw niyang ma-miss ang concert.

“I was diagnosed with walking pneumonia this morning. My voice is shot but I didn’t want to miss this,” sabi ni Elton John sa audience habang tumitiklado sa kanyang grand piano.

Sinimulan niya ang gabi sa 1974 hit niyang “Bennie and the Jets.” Bilang isang tunay na showman, ibinuhos niya ang husay na ipinakita sa ilang solo sa grand piano sa kabila ng hindi magandang pakiramdam.

Masigabong palakpakan at hiyawan ang narinig sa audience nang matapos naman niya ang kanyang signature song na “Rocket Man.”

Napalugmok si Elton John sa kanyang upuan matapos ang performance niya ng isa sa pinakamahaba niyang kanta – ang “Someone Saved My Life Tonight.” Nag-akyatan sa stage ang ilang medics at biglang namatay ang mga ilaw.

“We love you, Elton,” hiyawan ng mga fans.

Imahe mula sa Instagram account ni Elton John

Ilang saglit pa ay muling bumukas ang mga ilaw at naroroon na sa stage si Elton na handa na muling umawit. The show must go on.

Walang bakas na may dinaramdam ang singer habang nagtatanghal hanggang sabihin niyang, “I don’t know if I can go much longer. I haven’t got much left.”

Sa kabila noon ay inawit at natapos pa rin niya ang tribute song niya kay Marilyn Monroe at Princess of Wales na si Diana – ang “Candle in the Wind.”

Screenshot mula sa video ni Tim McCready via Twitter

Tuluyan nang nawala ang boses ni Elton John nang subukan niyang kantahin ang “Daniel.” Ilang nota nito ang nagawa niya subalit bigla siyang tumigil at tumayo sa kinauupan sa harap ng grand piano.

Nakitang napaluha si Elton bago siya inalalayan upang bumaba ng stage.

Imahe mula sa Instagram account ni Elton John