• Dalawang pulis-Makati sinibak sa puwesto dahil sa “transgender profiling”
  • Ang ginawa ng dalawa ay bahagi raw ng “Oplan X-Men”
  • Itinanggi naman ng hepe ng Makati City Police na may Oplan X-Men silang ipinatutupad

Dalawang police officers ng Makati City Police ang inalis sa puwesto dahil sa diumano’y random profiling sa mga transgender women.

Screenshot mula sa video ni Anne Pelos

Kinilala ang dalawang sinibak bilang sina Patrolman Timmy Paez at Police Corporal Juliet Atal. Isasailalim umano sila sa gender awareness and development program.

Ang pagkaka-relieve sa dalawa ay kasunod ng reklamo ni Anne Pelos na pilit isinasama nina Paez at Atal sa presinto dahil sa umano’y profiling ng mga transgender sa ilalim ng “Oplan X-Men.” Ibinahagi ni Pelos sa social media ang video ng insidente.

Pupunta lang tayo sa may HQ para profiling lang naman ‘yan. Iimbitahan lang namin kayo, Ma’am. Profiling lang ‘yan,” makikita at maririnig na sinabi ni Pat. Paez sa viral video.

Batay sa Facebook post ng Scads Makati, na ngayon ay burado na, layunin umano ng Oplan X-Men na sagipin ang mga transgender mula sa eksploytasyon.

“Oplan X-Men is an intensified operation that aims to rescue ladyboys from exploitation and human trafficking in ill refute areas,” bahagi ng post ng Scads Makati.

Screenshot ng Facebook post ng Scads Makati

Itinanggi naman ni Makati Police chief Colonel Rogelio Simon na naglunsad sila ng “Oplan X-Men” na tumatarget sa mga miyembro ng LBGTQIA+ community. Nilinaw naman niya na mayroon silang anti-criminality campaign na ipinatutupad sa Makati.

“The anti-crime strategy namin or ‘yung intervention na ginagawa namin is not directed alone sa LGBT community. It is an anti-criminality campaign directed sa lahat, in all forms of crimes perpetrated by individuals. Hindi lang ng LGBT,” ani Col. Simon.

Ayon pa kay Simon, maglalabas ng statement ang dalawang na-relieve na pulis at hihingi ng paumanhin kay Anne Pelos.

Humingi ng paumanhin si Col. Simon kay Pelos nang magkaharap sila sa headquarters na Makati City Police.