• Mga Tsino hindi dapat husgahan sa pagkalat ng nCoV
  • Nakiusap si Mayor Isko Moreno sa publiko na itigil na ang paghuhusga at dapat pairalin ang pagmamahal
  • Ipinaalala ng alkalde ang malaking papel na ginampanan ng mga Chinese volunteers sa pagpapalaya ng Maynila laban sa mga Hapones noong Battle of Manila noong 1945

Sa paglaganap ng novel coronavirus (nCoV) na nagmula sa China, ang atensyon ng maraming Pilipino ay muling natuon sa pagdagsa ng mga Chinese workers sa bansa. Sila ang napagbubuntunan ng galit sa pagkakaroon ng kaso ng nCoV sa Pilipinas.

Imahe mula sa Manila PIO

Dahil dito, hinimok ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko, partikular na ang mga Manilenyo, na sana ay itigil na ang panghuhusga sa mga Tsino dahil sa kumakalat na virus. Hindi umano ito makatarungan.

“Sana ay umiral  sa ating lahat na alisin ang diskriminasyon.  ‘Yung suliranin na  ating hinaharap, lahat tayo may kaba, may takot, may natataranta ngunit hindi sapat na iisahin natin ang lahi na may kasalanan nito.  It’s quite unfair,’ ani Mayor Isko sa kanyang speech sa paggunita ng 75th anniversary ng Battle of Manila.

“Bilang ama ng inyong lungsod, ako ay nananawagan.  Huwag tayo maghusga o magtuon lamang sa isang nasyon. Ang pinakamabisa ay umiral ang pagmamahalan sa kapwa anumang uri, kulay o lahi, ‘yan ang pusong Manilenyo,’ dagdag pa ng alkalde.

Binanggit ni Mayor Isko sa kanyang talumpati ang ipinakitang dedikasyon noon ng mga Chinese volunteers na tumulong sa mga Pilipinong sundalo at sa allied forces na pinangunahan ng mga Amerikano na mapalaya ang Maynila laban sa mananakop sa Hapones noong 1945.

Imahe mula sa Manila PIO

Ito umano ang panahon upang patunayan sa mga “fallen heroes,” ng Battle of Manila, kabilang na ang mga Chinese volunteers na nagpalaya noon sa lungsod mula sa kamay ng mga Hapones, na ang mga Pilipino ay “worth dying for.”

Kasabay ng paggunita ng Battle of Manila na ginawa sa loob ng Manila City Hall, ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. ay nag-donate ng 50,000 face masks na ipamamahagi sa mga public schools at health centers sa lungsod.

Umabot naman sa 30,000 face masks ang natanggap ng Lungsod ng Maynila nitong Martes, ika-4 ng Pebrero, mula sa iba’t ibang grupo kabilang ang Filipino-Chinese Amity Club Inc., Overseas Chinese Alumni Association of the Philippines, Philippine Quan Zhou Association Inc., World News Daily Inc., Philippine Quan Zhou Association Inc., at Filipino-Chinese Shin Lian Association.

Imahe mula sa Manila PIO