• Binuksan noong February 14 sa World Trade Center ang “Big Bad Wolf Book Sale”
  • Mula 50% hanggang 90% ang diskwento ng mga libro
  • Ang world’s biggest book sale ay bukas 24 oras hanggang ika-24 ng Pebrero

Sa ikatlong pagkakataon ay nagsagawa ang Big Bad Wolf Books ng book sale sa World Trade Center sa Pasay City kung saan 2 million books ang available para sa mga Pinoy book lovers.

Imahe mula sa Big Bad Wolf Books

Opisyal na binuksan sa publiko ang “Big Bad Wolf Book Sale,” na tinaguriang “world’s biggest book sale,” noong araw ng mga puso, ika-14 ng Pebrero. Nagkaroon din ng VIP Day noong ika-13 ng Pebrero na para lang sa mga VIP pass holders at sa media.

Bukas ito araw-araw, bente kwatro oras hanggang sa ika-24 ng Pebrero kung saan ang mga libro ay mabibili sa napakamurang halaga – mula 50% hanggang 90% ang diskwento sa original retail price ng mga ito.

Isang halimbawa ang “Dark Tower” series ni Stephen King, na kinabibilangan ng walong aklat at may kasama pang isang short story, na mabibili sa halagang P4,100 lang mula sa original price nitong P8,775.

Ang “Mars: The Ultimate Guide to the Red Planet” na sinulat ni Gills Sparrows ay inaalok sa halagang P950 mula sa dating P5,252.

Hinihikayat ng Big Bad Wolf Books ang publiko, anuman ang kanilang edad, na tuklasin ang “joys of affordable and accessible reading.”

Imahe mula sa Big Bad Wolf Books

Environment-friendly din ang naturang book sale dahil hindi sila gagamit ng mga plastic bags bilang sisidlan ng mga nabiling aklat, bagkus ay hinihikayat nito ang mga mamimili na magdala ng sariling mga bags. Kung walang bag na dala ay maaari namang bumili ng eco bag sa halagang P20 ang isa.

Imahe mula sa Big Bad Wolf Books

At dahil sa banta ng COVID-19, ang lahat ng mga parukyano ay kinukuhanan ng body temperature at binibigyan ng hand sanitizer sa entrance ng World Trade Center. Hinihikayat din ang pagsusuot ng face mask.

Ang lahat ng book hunters ay may tsansang manalo ng mga premyo gaya ng cash voucher. Ang grand prize ay isang cart na puno ng mga aklat.

Imahe mula sa Big Bad Wolf Books