• Nagbabala ang WHO na dapat paghandaan ng lahat ang potensyal ng COVID-19 na maging pandemic
  • Bumababa na ang bilang ng mga COVID-19 infection sa China, subalit nakapag-aalala ang pagsirit ng mga kaso nito sa ibang bansa
  • Sa ngayon ay hindi pa idinedeklara ng WHO na isang pandemic ang COVID-19

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa lahat ng bansa na maging handa sa posibleng pandemic (pagkalat ng isang sakit sa malaking bahagi ng mundo) ng new coronavirus (COVID-19) sanhi ng pagsirit ng mga kaso nito sa labas ng China, partikular na sa Europe at Middle East.

Imahe mula sa Yonhap

Sinabi ng WHO na bagama’t bumababa na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 infection sa China, ang pagdami ng kaso nito sa ibang bansa ay lubos umanong nakapag-aalala.

“The sudden increase of cases in Italy, the Islamic Republic of Iran and the Republic of Korea are deeply concerning,” nag-aalalang sabi ni WHO Director General Tedros Ghebreyesus.

Sa isang press briefing Geneva, Switzerland, sinabi niya na ang pagkalat ng COVID-19 sa ibang bansa ay hindi pa matatawag na pandemic subalit inamin niya na naroon ang potensyal nito na humantong sa ganoon.

“Our decision about whether to use the word ‘pandemic’ to describe an epidemic is based on an ongoing assessment of the geographical spread of the virus, the severity of disease it causes and the impact it has on the whole of society. For the moment, we are not witnessing the uncontained global spread of this virus, and we are not witnessing large-scale severe disease or death. Using the word pandemic now does not fit the facts, but it may certainly cause fear,” pahayag niya.

Imahe mula sa WHO

Aniya, dapat pagtuuan ang pagkontrol sa virus habang nagsasagawa ng paghahanda para sa potensyal na pandemic.

Dapat umanong unahin ng mga bansa ang pagbibigay ng proteksyon sa kanilang mga health care workers laban sa COVID-19 infection dahil sila ang nangangalaga sa mga pasyenteng kinapitan nito. Ganoon din sa mga matatanda at ang mga may karamdaman dahil madali silang kapitan ng virus.

Dapat din umanong siguruhin ng mga opisyal ng bansang may kakayahang lumaban sa COVID-19 na makontrol ang virus upang hindi na iyon kumalat sa mga bansang kulang ang resources na labanan ang sakit.

Imahe mula sa Yonhap