• Banyagang turista nakitang “dumudumi” sa loob ng Intramuros
  • Kumalat sa social media ang nasabing larawan
  • Ipinag-utos ni Yorme na hanapin ang lalaki at hulihin

Kumalat sa social media ang nakababahalang larawan ng isang lalaki na pinaniniwalaang isang banyagang turista na “dumudumi” umano sa loob ng Baluarte de Dilao, bahagi ng makasaysayang Intramuros sa Lungsod ng Maynila.

Imahe mula kay Dos Alvarado via Facebook

Makikita sa larawan na ibinahagi ng isang netizen na nakilalang si Dos Alvarado na nakalilis ang pantalon ng banyaga at nakaupo sa isang malaking paso habang tumutugon sa tawag ng kalikasan. Sinasabing isang Chinese national ang lalaki, subalit hindi naman ito kumpirmado.

Nanawagan ang mga netizens sa pamahalaang lungsod ng Maynila na gumawa ng aksyon at turuan ng leksyon ang lalaking lumapastangan sa Intramuros, na idineklarang National Cultural Treasure ng National Museum noong taong 2018.

Nang makarating sa kanyang kaalaman, agad na inatasan ni Mayor Isko Moreno ang hepe ng Special Mayor’s Reaction Team na si Major Rosalino Ibay, Jr. na hanapin ang turista at hulihin.

Sinabi ni Major Ibay na nagkasa na sila ng manhunt operation laban sa banyaga kasabay ng pagsasagawa ng beripikasyon kung tunay ang mga larawang kumalat upang masigurong hindi iyon isang “hoax.”

Imahe mula kay Dos Alvarado via Facebook

Inatasan din ni Yorme ang hepe ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila na si Charlie Duñgo na makipag-ugnayan sa Intramuros Administration (IA) hinggil sa insidente.

Kaugnay nito, sinabi ng IA na wala silang beripikadong report tungkol sa insidente. Sinubukan umano nilang ma-contact ang uploader ng mga larawan, ngunit wala pa umano itong tugon.

Nababahala umano ang IA na sa halip na kunin ang atensyon ng guwardya na nakatalaga sa Intramuros ay pinili nitong ipaskil sa social media ang larawan. Sinilip na rin umano nila ang lugar at wala namang nakitang dumi.

Imahe mula kay Dos Alvarado via Facebook

“We are concerned that instead of calling the attention of the guard who is posted there, if true, the one who posted it is using this for anti-Chinese sentiment. We checked the site, it is clean and no waste seen on site,” sabi ng IA.

Nanawagan ang IA sa publiko na maging mapagmatyag upang protektahan ang mga heritage sites. Kung sakaling may masasaksihang kaparehong insidente, dapat umanong agad iyong ipagbigay-alam sa mga awtoridad.