• Inaasahang makararanas ng matinding trapiko sa southbound ng SLEX dahil sa pagpapatuloy ng Skyway Extension Project
  • Ngayon pa lang ay humingi na ng pang-unawa si Ramon Ang ng SMC sa mga maaapektuhan ng trapiko
  • Isasara ang lane 3 ng SLEX southbound at northbound ng West Service Road sa February 16, 2020

Ang muling pagpapatuloy ng konstruksyon ng Skyway Extension Project na naglalayong matugunan ang araw-araw na pagsisikip ng trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX) sa bahagi ng Alabang, Muntinlupa City, ay inaasahang magdudulot ng matinding trapiko.

Imahe mula sa Skyway O&M Corporation

Ngayon pa lang ay hinihingi na ni San Miguel Corporation president Ramon Ang ang pang-unawa ng mga motorista at commuters na maaapektuhan ng matinding trapiko na magreresulta dahil sa konstrukyon ng southbound lane ng proyekto na sisimulan sa February 16, 2020.

“We apologize to you. This project is for your benefit, it will solve our long-standing traffic problem on SLEX and in Alabang. Let’s give our engineers and workers the chance to do what they need to finish the project,” pahayag ni Mr. Ang.

Maaalalang noong nakaraang taon ay nagtiis ang mga motorista ng  halos dalawang buwan ng matinding trapiko dahil sa northbound lane ng proyekto. Mula Setyembre hanggang huling araw ng Nobyembre ay dumanas ng napakatinding pagsisikip ng trapiko sa SLEX nang isara ang isang northbound lane nito para sa proyekto.

Sa pagpapatuloy ng proyekto ay isasara ang lane 3 ng southbound lane ng SLEX at ang northbound ng West Service Road mula Sucat interchange hanggang sa Alabang viaduct para sa paghuhukay sa pagtatayuan ng mga poste ng Skyway  extension.

Imahe mula sa Skyway O&M Corporation

Isasara din ang Alabang exit toll plaza  at ang kalapit nitong South Station exit toll plaza.

Ang nasabing pagsasara ay orihinal na nakatakda noong Disyembre ng nakaraang taon ngunit ipinagpaliban dahil sa holiday season.

Kaugnay nito ay magkakaroon ng rerouting scheme para sa mga maapektuhang motorista. Basahin dito ang rerouting plan.

Imahe mula sa Mapio